BAGAMA’T may nakaambang bawas sa pondo ng Department of Labor and Employment (DoLE) para sa 2026, nananatiling positibo si Labor Secretary Bienvenido Laguesma na magagampanan pa rin ng kagawaran ang tungkulin nitong patatagin ang sektor ng paggawa at lumikha ng mga oportunidad sa trabaho at kabuhayan para sa mga Pilipino.
Sa Kapihan sa Manila Bay media forum na ginanap sa Café Adriatico, Malate, ipinaliwanag ni Laguesma na ang pagbaba ng pondo ng DoLE ay bahagi ng hakbang ng pamahalaan upang bigyang prayoridad ang ibang ahensya na nasa unahan ng mga programa para sa pambansang kaunlaran.
Ayon sa kalihim, kailangang ituon ng gobyerno ang mas malaking atensyon at pondo sa mahahalagang programa upang matamo ang layuning magkaroon ng mas maraming nasa middle class bago bumaba si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa 2028.
Kasabay nito, nagpahayag ng pagsang-ayon si Laguesma sa pagbibigay ng mas malaking alokasyon para sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), na aniya’y susi sa paghuhubog ng mas bihasa at handang manggagawa.
Binigyang-diin niya na mahalaga ang pondo para sa TESDA upang mapalakas ang integrasyon nito sa mga ahensya ng gobyerno, industriya, sektor ng paggawa, at mga institusyong pang-edukasyon na sama-samang nagtutulungan para paunlarin ang technical-vocational education and training (TVET) sa bansa. (MINA PADERNA)
