BATANGAS – Iniimbestigahan ngayon ng Police Regional Office CALABARZON (PRO 4A) ang anim na pulis na sangkot umano sa pagpapaputok ng baril sa isang birthday party, batay sa mga kumakalat na video sa social media.
Ayon kay PRO 4A Regional Director PBGEN Paul Kenneth T. Lucas, lima sa mga naturang pulis ay nasa kustodiya na ngayon ng Personnel Holding and Accounting Section (PHAS) ng Batangas Police Provincial Office, habang isa pa ang pinaghahanap. Isinuko na rin ng mga pulis ang kanilang mga service firearms para sa ballistic at cross-matching examination.
Inatasan na din ang Regional Civil Security Unit 4A na beripikahin kung may rehistro ng anumang kalibre ng baril ang mga sangkot na pulis bilang bahagi ng imbestigasyon at pananagutan.
Binigyang-diin ni PBGEN Lucas na seryoso ang pamunuan sa pagpapatupad ng disiplina at pananagutan sa hanay ng kapulisan. “Hindi natin papayagan na ang ilang insidente ng maling gawain ay makasira sa tiwala ng publiko sa PNP. Tinitiyak ng PRO 4A na patas, mahigpit, at transparent ang imbestigasyong ito,” aniya.
Dagdag pa niya, nananatiling matatag ang kanilang paninindigan na ipatupad ang 7-Point Agenda ng Acting Chief PNP PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., lalo na sa aspeto ng accountability at pagpapanatili ng integridad sa serbisyo.
Tiniyak ng PRO CALABARZON na hindi hahayaang matabunan ng ilang kaso ng iregularidad ang dedikasyon at pagsisikap ng karamihan sa mga pulis na tapat na naglilingkod at nagpoprotekta sa mamamayan ng CALABARZON. (KOI HIPOLITO)
