DISGRASYA ang sinapit ng isang 41-anyos na motorcycle rider matapos bumangga sa isang Asian Utility Vehicle (AUV) sa kahabaan ng Felix Avenue, madaling-araw ng Linggo.
Ayon sa pulisya, naganap ang aksidente bandang 1:00 a.m. batay sa kuha ng CCTV.
Makikitang lumiko pakaliwa ang AUV papasok ng isang subdivision nang sumalpok dito ang motorsiklo ng biktima na galing sa kabilang direksyon.
Dahil sa bilis ng takbo, tumilapon ang rider at umikot sa ere bago bumagsak sa kalsada. Idineklara siyang dead on the spot.
Ayon sa pulisya, galing sa paglalaro ng basketball sa Cainta ang biktima at pauwi na sana sa Antipolo City.
Ang 57-anyos na driver ng AUV ay papunta para magsundo ng kamag-anak na bibiyahe sa probinsya para dumalo sa isang burol.
Hawak na ngayon ng mga awtoridad ang driver ng AUV na sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.
“Nagulat po ako. Sobrang bilis niya. Nakakalungkot. Wala naman po akong masamang intensyon. Aksidente po talaga,” pahayag ng tsuper.
Tumangging magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima.
