Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Sabado na hindi titigil ang pamahalaan sa pagpapatupad ng malalaking flood control projects, na nagkakahalaga ng P300 bilyon, ngunit ngayong may dagdag na mga pananggalang laban sa katiwalian.
Ayon sa Pangulo, ilalarga ang mga proyekto hanggang 2026 basta’t pasado ang proposal, program of work, at may malinaw na pagtanggap mula sa mga lokal na pamahalaan.
“Basta’t nakita natin ay maayos ang proposal, maayos ang completion, may acceptance ng local government. That’s the new factor that we put in,” pahayag ni Marcos sa harap ng mga taga-Cagayan na sinalanta ng Super Typhoon Nando.
Idiniin din ng Pangulo na hindi na mauulit ang dating “pang-aabuso” sa pagpapatupad ng multi-bilyong pisong flood control at iba pang infrastructure projects.
“Titiyakin po natin na bawat sentimo ng pera ninyo — hindi namin pera ito, pera ninyo ito. Kami ay custodian lang, tiga-bantay lang kami,” ani Marcos.
Matatandaang inilipat ni Marcos ang P255.5 bilyon na orihinal na inilaan para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) patungo sa mga prayoridad na programa ng ibang ahensya.
Bago pa rito, iniutos din ng Pangulo na ibalik ang “acceptance process” ng mga LGU bago maituring na tapos ang mga proyekto, para masiguro raw na hindi hilaw ang mga ito bago i-turnover.
