LUMUBO pa ang listahan ng mga mambabatas at opisyal ng gobyerno na idinadawit sa umano’y malawakang kickback scheme sa mga proyektong flood control matapos ang pahayag ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary Roberto Bernardo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes, Setyembre 25.
Sa kanyang testimonya, isinalaysay ni Bernardo na personal siyang nakapaghahatid ng milyun-milyong piso bilang bahagi ng komisyon mula sa mga kuwestiyonableng proyekto ng DPWH, na umano’y napupunta sa ilang senador, kongresista at opisyal ng ehekutibo.
Unang idinawit ni Bernardo sina Senator Chiz Escudero at dating mga senador Bong Revilla at Nancy Binay.
Ayon sa kanya, nakapaghahatid siya ng P160 milyon (20% ng P800 milyong proyekto) kay Maynard Ngu, kaibigan at campaign donor ni Escudero. Si Ngu umano ang kumilos bilang kinatawan ng senador.
Samantala, ikinuwento rin niya na noong 2024 ay nagkasundo sila ni Revilla sa 25% cut mula sa proyekto ni dating DPWH Bulacan engineer Henry Alcantara, na umabot sa P125 milyon at personal niyang naideliver sa bahay ng dating senador sa Cavite.
Para naman kay Binay, sinabi ni Bernardo na ang staff nitong si Carline Villa ang humiling ng 15% commission, na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P37 milyon, at kanyang personal na naihatid sa bahay ng dating senadora sa Quezon City.
Mariing itinanggi nina Escudero at Binay ang mga paratang, habang wala pang pahayag si Revilla hanggang sa oras ng pagsulat na ito.
Bukod sa tatlong senador, sinabi ni Bernardo na minsang tumawag sa kanya si Ako Bicol Rep. Zaldy Co para magtanong hinggil kay Alcantara.
Ayon kay Bernardo, sinabi ni Alcantara na humihingi si Co ng 25% commission mula sa proyekto, kung saan 2% ay para sa kanila ni Alcantara.
Dagdag pa niya, si Alcantara rin umano ang naghatid ng pera kay Co bilang pagtupad sa kasunduan.
Pinangalanan din ni Bernardo si Department of Education Undersecretary Trygve Olaivar, na umano’y tumawag sa kanya noong 2024 upang talakayin ang unprogrammed appropriations para sa Office of the Executive Secretary.
Aniya, inutusan siya ni Olaivar na magsumite ng listahan ng mga proyekto na nagkakahalaga ng P2.85 bilyon. Kalaunan, nakatanggap umano ang DPWH ng Special Allotment Release Order (SARO) para sa nasabing halaga.
Dagdag ni Bernardo, si Alcantara umano ang nangolekta at naghatid ng 15% commitment kay Olaivar, na kanyang dinala o ipinadala sa opisyal sa Magallanes, Makati at iba pang lugar.
Binanggit din ni Bernardo si Commission on Audit (COA) Commissioner Mario Lipana, na iniimbestigahan dahil sa umano’y pagkakasangkot ng kanyang asawa sa mga flood control contracts.
Ayon kay Bernardo, hiniling ni Lipana na ipakilala siya sa mga opisyal ng DPWH Bulacan 1st District at ipinakilala niya ito kay assistant engineer Brice Hernandez. Gayunman, nilinaw ni Bernardo na wala siyang personal na kaalaman kung nakakuha nga ng proyekto si Lipana.
Kinumpirma naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na si Bernardo ay binigyan na ng “protected witness” status ng DOJ dahil sa banta sa kanyang buhay bunsod ng bigat ng kanyang mga isiniwalat.
Ani Remulla, patuloy pang sinusuri ang testimonya ni Bernardo ngunit binibigyan na siya at ang kanyang pamilya ng seguridad at iba pang kaukulang tulong sa ilalim ng Witness Protection Program.
