ISANG pampasaherong barkong Roll on Roll Off (RORO) Vessel na MV Star Horse ang sumadsad sa mababaw na bahagi ng dagat malapit sa Port of Real, Barangay Ungos, Real, Quezon, bandang alas-9:50 ng umaga nitong araw ng Martes.
Ayon sa ulat, paalis sana ng pantalan ang RORO na may sakay na 41 pasahero at pitong rolling cargoes patungo sa Polillo Island nang mangyari ang insidente. Habang nagmamaniobra, lumapat ang ilalim ng barko sa mababaw at batuhang bahagi ng dagat, nasa 50 metro pa lamang ang layo mula sa pantalan, dahilan upang tuluyang sumadsad at hindi na makaalis.
Agad namang rumesponde ang Philippine Coast Guard at ligtas na nailikas ang mga pasahero na halos isang oras na na-stranded sa nasabing barko. Naiwan naman sa RORO ang mga rolling cargoes.
Sa incident report na isinumite ng master o ship captain at chief mate ng barko, sinabi nilang malakas ang agos nang paalis na sila ng port.
Tinanggal umano nila ang lahat ng lubid na nakaalalay sa maniobra, subalit aksidenteng pumulupot ito sa propeller o elíse ng makina na naging sanhi ng pagtigil ng operasyon at pag-anod ng barko sa bahura.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng Philippine Coast Guard sa nangyaringt insidente. (KOI HIPOLITO)
