Kinilala ng PAWS ang Ayala Malls Vertis North bilang kauna-unahang mall na may Certified Pet-Friendly Seal dahil sa malasakit nito sa aspins, puspins, at lahat ng alagang hayop. Kabilang sa larawan sina Fernando Zobel de Ayala, Atty. Anna Cabrera, Rich Ilustre, Cristina Martinez, Ayi Alzota, at Nica Santiago. (Kuha ni ART TORRES)
PORMAL nang iginawad ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ang kauna-unahang Certified Pet-Friendly Seal sa Ayala Malls Vertis North, bilang pagkilala sa malasakit at pagpapahalaga nito sa mga alagang hayop at kanilang mga tagapag-alaga.
Ayon sa PAWS, ang sertipikasyon ay patunay ng inclusive pet policy ng naturang mall na tumatanggap ng lahat ng lahi ng aso at pusa, kabilang ang mga aspin (Asong Pinoy) at puspin (Pusang Pinoy).
Bukod dito, katuwang din ang Vertis North sa KabaliCAT program ng PAWS na nagsusulong ng Trap-Neuter-Vaccinate-Return (TNVR) para sa mga community cats, bilang hakbang para sa responsableng pangangalaga at pagkontrol ng dami ng mga galang hayop.
“Ang PAWS Pet-Friendly Seal ay pagkilala sa mga establisimyento na tunay na nagbibigay ng ligtas na espasyo para sa mga alaga at kanilang tao,” ayon kay Atty. Anna Cabrera, PAWS Executive Director.
“Pinupuri namin ang Vertis North sa pagtanggap sa aspins at puspins at sa aktibong pakikipag-partner sa KabaliCAT. Ito ang halimbawa ng tunay na pet-friendliness,” dagdag pa niya.
Para naman kay Fernando Zobel de Ayala, Vice Chairman ng Ayala Corp., ang pagkilala ay patunay ng kanilang pananaw na ang animal welfare ay higit pa sa polisiya, isa itong pagpapahalaga sa komunidad.
“Naniniwala kami na ang responsible pet ownership ay nagsisimula sa kabutihan. Kung ituturing natin ang mga alaga bilang tunay na miyembro ng pamilya, makakalikha tayo ng mas ligtas, mas masaya, at makataong komunidad,” ani Zobel.
Ang Ayala Malls Vertis North ang kauna-unahang mall sa bansa na nakatanggap ng PAWS Certified Pet-Friendly Seal, na nagsisilbing pamantayan para sa iba pang establisimyento sa pagsusulong ng animal welfare at responsible pet ownership. (ARNOLD PAJARON JR)
