NASOKOTE ng mga tauhan ng Nasugbu Municipal Police Station ang isang suspek na sangkot sa umano kaso ng pamamaslang sa kanyang kapitbahay sa isinagawang follow up at manhunt operation sa Barangay Dayap, Nasugbu, Batangas nitong Setyembre 22, 2025, dakong alas-4:45 ng hapon.
Kinilala ang suspek sa alyas “Catalino”, nasa hustong gulang at residente sa kaparehong lugar.
Batay sa paunang imbestigasyon, ang biktima na kinilala lamang sa alyas “Primo” ay natutulog sa kanyang tahanan nang bigla itong atakihin ng suspek at pinukpok sa ulo ang biktima gamit ang isang martilyo de bola.
Agad na dinala ang biktima sa Ospital ng Nasugbu para sa agarang medikal na atensyon, ngunit idineklarang binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Matapos ang ginawang krimen agad tumakas ang suspek ngunit agad din itong natunton ng pulisya sa Sitio Dayap at agad na inaresto narekober rin sa suspek ang isang martilyo na ginamit sa krimen dati na umanong alitan sa pagitan ng biktima at suspek ang motibo sa krimen. Kasalukuyan ngayon nasa kustodiya ng Nasugbu Municipal Lock up and Detention Facility ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong Murder sa Provincial Prosecutors Office. (KOI HIPOLITO)

