Nagprotesta ang mga miyembro ng Power for People Coalition (P4P) sa harap ng Energy Regulatory Commission (ERC) office sa Pasig City noong Setyembre 19, 2025 laban sa panukalang pagbabago sa bidding rules ng power supply at ancillary service contracts na umano’y magbubunsod ng higit pang pang-aabuso sa sektor ng kuryente. (Kuha ni ART TORRES)
MARIING tinuligsa ng Power for People Coalition (P4P) ang Energy Regulatory Commission (ERC) dahil sa panukalang bagong patakaran sa bidding ng mga kontrata sa suplay ng kuryente at transmission ancillary services na umano’y magbubukas ng “floodgates” ng pang-aabuso sa industriya ng kuryente.
Sa ilalim ng bagong alituntunin, pagbabantay lamang sa “procedural compliance” ang gagawin ng ERC at hindi na magsasagawa ng masusing pagsusuri sa presyo ng kuryente at ancillary service contracts.
“Nakakabahala na ang unang hakbang ni Chair Saturnino Juan bilang bagong pinuno ng ERC ay isuko ang tungkulin nito sa mga power players. Pinapayagan nitong magtaas ng singil ang mga kompanya nang walang habas, habang pasan ng taumbayan ang bigat ng bayarin,” ani P4P Convenor Gerry Arances.
Itinalaga si Juan noong Hulyo bilang kapalit ni dating ERC Chair Monalisa Dimalanta. Isa sa kanyang mga inisyatibo ang pabilisin ang proseso ng pag-apruba ng power supply agreements (PSA).
Ngunit giit ng P4P, sa loob lamang ng mahigit isang buwan ay pinatunayan na umano ni Juan na hindi siya kakampi ng mga konsyumer. Anila, halos ₱3 kada kilowatt-hour na ang itinaas ng singil sa kuryente simula nang maupo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na katumbas ng humigit-kumulang ₱600 dagdag gastos buwan-buwan para sa pamilyang kumukonsumo ng 200 kWh.
Kaugnay nito, kinuwestiyon din ng grupo ang umano’y “double charging” sa halos ₱1 bilyon na transmission facilities sa kontrata ng Meralco at Excellent Energy Resources Inc. (EERI), kung saan kabilang ang Meralco bilang may-ari. Naghain na ang mga kasapi ng P4P ng petition for certiorari sa Court of Appeals upang ipawalang-bisa ang nasabing kontrata.
“Kung may ghost projects sa flood control, dito naman sa industriya ng kuryente ay may komisyon na nag-go-ghost sa tungkulin nitong protektahan ang taumbayan. Hindi malinaw kung sino ang tunay na nakikinabang, pero siguradong hindi ito ang ordinaryong Juan Dela Cruz,” ani Arances.
Dagdag pa ng P4P, patuloy nilang lalabanan ang mga hakbang ng ERC na umano’y pumapabor sa mga negosyanteng kumokontrol sa industriya habang nahihirapan ang milyun-milyong Pilipino sa pagtaas ng singil sa kuryente. (ART TORRES)
