BUMITAW na sa puwesto bilang House Speaker si Martin Romualdez matapos madawit sa multi-bilyong pisong anomalya sa flood control projects, ngunit nananatiling tanong kung tunay ba siyang nawala sa poder o patuloy na humihila ng mga pisi sa Mababang Kapulungan.
Sa plenary session nitong Setyembre 17, inanunsyo ni Romualdez ang kanyang pagbibitiw, ilang araw matapos banggitin ang kanyang pangalan sa ikatlong pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa kontrobersyal na proyekto.
Agad namang pumalit bilang Speaker si Isabela 6th District Rep. Faustino “Bodgie” Dy III, isa sa mga itinuturing na pinakamalapit na kaalyado ni Romualdez.
Kilala si Dy bilang bahagi ng makapangyarihang political dynasty sa Isabela, na dekada nang humahawak ng mga pangunahing posisyon sa lalawigan.
Ayon sa mga insider sa Kamara, hindi nangangahulugang tuluyang nawala sa eksena si Romualdez. Bagkus, tinitingnan si Dy bilang proxy o “taga-bantay” na nananatiling tapat at masunurin sa dating lider ng Kapulungan.
Dumagsa ang panawagan para sa pagbibitiw ni Romualdez kasabay ng mga alegasyong siya at 18 pang mambabatas ay nakatanggap ng 10 hanggang 25 porsyentong komisyon mula sa mga flood control projects na ibinibigay sa mga piling contractor, kabilang ang mga kumpanyang pag-aari umano nina Curlee at Sarah Discaya.
Batay sa affidavit ng mag-asawang Discaya, karaniwang kondisyon umano ang pagbabayad ng “kickback” bago pa man masimulan o matapos ang proyekto, kung natapos man ito.
Samantala, may nakaraan na rin si Dy sa mga isyu ng katiwalian. Noong 2020, sinampahan siya ng kasong plunder kaugnay ng P1.5 bilyong Ilagan-Divilacan Road project na umano’y overpriced at nagsilbi pang direktang akses papunta sa pribadong isla ng kanilang pamilya, ang Honeymoon Island.
Noong Pebrero 2025, naugnay din ang kanyang pangalan sa pagbagsak ng Cabagan-Santa Maria Bridge, 26 na araw lamang matapos buksan.
Gayunpaman, nananatiling impluwensyal ang kanilang angkan sa Isabela, kung saan halos buong probinsya ay kontrolado ng mga Dy.
Samantala, mariing itinanggi ni Romualdez ang anumang kinalaman sa anomalya.
“Wala akong kasalanan. Wala akong tinatago,” aniya sa isang panayam. Subalit ayon sa mga kritiko, kahit nagbitiw na siya, malinaw na hawak pa rin ni Romualdez ang kapangyarihan sa Mababang Kapulungan sa pamamagitan ng kanyang proxy na si Dy.
