INARESTO ang isang 46-anyos na lalaking masahista matapos umano nitong molestiyahin ang isang 29-anyos na guro habang minamasahe sa isang spa sa Marikina City nitong Linggo, Setyembre 14.
Batay sa ulat ng Eastern Police District (EPD), dakong 1:50 p.m. nang dumating ang babaeng biktima kasama ang kanyang kasintahan sa naturang massage clinic para sa session.
Dahil umano understaffed ang spa, tanging lalaking therapist lamang ang available kaya pumayag ang biktima na ituloy ang serbisyo.
Habang isinasagawa ang masahe, bigla umanong hinipo ng suspek ang maseselang bahagi ng katawan ng guro at tinangka pang dilaan ang kanyang dibdib.
Agad na nagreklamo ang biktima sa pamunuan ng spa, na kaagad namang nag-dismiss sa suspek.
Tumawag din siya sa 911 hotline kaya mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Marikina City Police Station at inaresto ang suspek na nakilalang si “Rolly.”
Kasalukuyang nakakulong ang suspek at nahaharap sa kasong acts of lasciviousness, ayon sa pulisya.
