Si MMDA Chairman Atty. Don Artes kasama si MMC President at San Juan City Mayor Francis Zamora habang pinamumunuan ang regular na pulong ng Metro Manila Council kasama ang mga alkalde ng NCR, kung saan tinalakay ang harmonisasyon ng public street parking at panukalang amyenda sa Anti-Littering Regulation, sa MMDA Head Office, Pasig City, Setyembre 16, 2025. (Kuha ni ART TORRES)
Nagpasa ng resolusyon ang Metro Manila Council (MMC) na nagtatakda ng maximum penalty na P5,000 para sa mga mahuhuling nagtatapon ng basura sa pampublikong lugar sa Kalakhang Maynila.
“Huwag po tayong magtatapon ng basura sa maling lugar. Huwag po sa mga ilog, creek, at sa mga daluyan ng tubig,” paalala ni MMC President at San Juan City Mayor Francis Zamora sa isang press conference.
Tanging ang bayan ng Pateros ang exempted sa bagong resolusyon, kung saan P2,500 lamang ang ipapataw na multa sa mga lalabag.
Samantala, naglabas na rin ng listahan ng “absolute no parking” at “no parking” zones ang Manila Traffic and Parking Bureau nitong Martes.
Kaalinsabay ito ng pagpupulong ng MMC, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of the Interior and Local Government (DILG), at mga mayor ng NCR kabilang si Manila Mayor Isko Moreno.
Tinilakay din sa pagpupulong ang iba’t ibang isyu hinggil sa paggamit ng mga pampublikong kalsada, kabilang ang street parking sa Metro Manila. (ARNOLD PAJARON JR)
