BINUKSAN sa Clark Freeport Zone ang kauna-unahang One Pampanga Food and Beverage Expo (OPFBEX), tampok ang yaman ng lutuing Kapampangan at ang lumalaking reputasyon ng Clark bilang sentro ng Meetings, Incentives, Conventions, and Exhibits (MICE) industry.
Ginanap nitong Setyembre 13–14 sa SMX Convention Center Clark, layon ng expo na ipakita ang kultura, kasaysayan, at inobasyon sa larangan ng pagkain at inumin sa Pampanga. Tinatayang nasa 10,000 ang dumalo na bisita.
Dumalo sa ribbon-cutting ceremony si Clark Development Corporation (CDC) Vice President for Security Services Group PMGen. Lina Sarmiento (Ret.), na nagpahayag ng pagbati at pagbibigay-pugay sa masaganang pamana ng Kapampangan cuisine.
“Kapag pinag-usapan ang Pampanga, pagkain agad ang naiisip. Ngunit ang pagkain dito ay hindi lamang pagkain, ito’y kasaysayan sa bawat plato, kultura na minana ng bawat salinlahi, at malikhaing pagpapahayag sa lasa,” ani Sarmiento.
Dagdag pa niya, mahalaga ang expo dahil “hindi lamang ito tungkol sa ating kinakain, kundi kung sino tayo at paano natin ibinabahagi ang ating sarili sa mundo.”
Kabilang sa mga pangunahing sponsor ng OPFBEX ang kilalang Kapampangan brands na Mekeni at Susie’s Cuisine, na sumusuporta sa makasaysayang pagtitipon ng mga negosyante, exhibitors, at culinary enthusiasts. (MINA PADERNA)
