TINALAKAY kamakailan lang ng kolum na ito ang pasingaw ng LPG ni alyas Dodong sa Valenzuela City na hanggang ngayon ay tuloy pa rin ang operasyon.
Dahil dito maraming mga residente ng nasabing lugar ang nag-chat at tumawag sa inyong lingkod para manawagan sa Department of Energy (DOE) na kagyat na gumawa ng aksyon laban sa ‘pasingaw king’ na si alyas Dodong dahil sa pangamba na rin sa kanilang kaligtasan.
Anila pa, tila bulag, pipi’t bingi sina Mayor Wes Gatchalian at Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento sa pasingaw nitong si alyas Dodong na matatagpuan sa Barangay Paso de Blas, mismong tabi ng Malinta Exit Service Road sapagkat wala silang ginagawang aksyon. Araykupo!
Tanong tuloy ng ilang miron, hindi kaya mayroon na silang ‘cashunduan este kasunduan tungkol sa bagay na ‘yan? Naloko na!
Kaya pala nagmamantika ang nguso ng ilang tulis este pulis sa Valenzuela dahil kay alyas Dodong.
Mga ka-Berdugo, ang pasingaw ay ang pagbabawas ng laman ng mga tangke ng LPG na pag-aari ng mga lehitimong negosyante.
Ang mga napasingaw naman ay inililipat sa ibang tangke na malayang ibebenta naman nang mura – tila ordinaryong kalakal lamang – ngunit sa katunayan ay banta sa buhay at ari-arian ng publiko. Get’s ninyo ba, mga ka-Berdugo?
At isa lamang sa sindikato si alyas Dodong sa nakakalusot at kumikita ng milyong-milyong piso sa ganitong gawain. Pwe!
Hindi dapat ipagsawalang-bahala ni DOE Secretary Sharon Garin ang panawagan ng mga residente sa Valenzuela sapagkat ilang sunog na ang naiuugnay sa mga illegal na pasingaw na ito, at sa bawat insidente, buhay at kabuhayan ng taumbayan ang nasusugal.
Kaya nararapat lamang na kumilos agad si Garin. Kailangan niyang masinsinang bantayan ang mga pamilihan at parusahan ang mga negosyanteng patuloy na naglalagay sa peligro ng mamamayan.
Sa huli, hindi lamang ito usapin ng iligal na bentahan kundi usapin ng kaligtasan. Habang may patuloy na pasingaw ng LPG sa Valenzuela, patuloy pa ring nakabitin ang buhay ng bawat tiga-Valenzuela sa panganib sa sunog.
