Muling pinagtibay ng Philippine Basketball Association (PBA) ang kanilang buong suporta sa Gilas Pilipinas matapos aprubahan ng liga ang pagsasaayos ng kanilang kalendaryo para sa ika-50 season.
Sa ginanap na annual planning ng PBA sa Las Vegas, inanunsyo ni PBA chairman Ricky Vargas na handa silang mag-adjust ng iskedyul, kahit pa umabot hanggang Disyembre 2026 ang kanilang season, upang mabigyan ng sapat na panahon ang Gilas na makapaghanda para sa FIBA World Cup Qualifiers at sa 2026 Asian Games sa Nagoya, Japan.
“We want to qualify for the Olympics,” ani Vargas.
“We’re all in… kasama kami sa suporta sa Gilas,” dagdag naman ni PBA vice chairman Alfrancis Chua.
Ayon kay PBA commissioner Willie Marcial, “Mabigat na tulong ang kailangan, at kasama kami sa magbibigay ng tulong.”
Sa plano ng PBA Board, magkakaroon ng mga pahinga sa liga upang bigyang-daan ang schedule ng qualifiers na nakatakda sa Nobyembre, Pebrero, Hulyo, Agosto, at Nobyembre 2026. Ibig sabihin, posibleng tumagal nang mahigit 14 buwan ang season ng PBA.
Kasama sa Gilas pool sina June Mar Fajardo, Scottie Thompson, Justin Brownlee, Chris Newsome, CJ Perez, at Calvin Oftana sa ilalim ng pamumuno ni Barangay Ginebra head coach Tim Cone.
Mga target ng Gilas
- FIBA World Cup Qualifiers 2026 (Qatar): Isa sa pitong slot para sa Asya ang target ng Gilas. Tulad ng World Cup 2023 sa Manila, maaari silang makapasok sa 2028 LA Olympics kung magiging best-placed Asian team.
- Asian Games 2026 (Nagoya): Malaking hamon ang haharapin ng Gilas matapos makuha ang gold medal sa 2023 Asian Games sa Hangzhou, unang beses sa loob ng 61 taon.
Magsisimula ang laban ng Nationals sa double-header kontra Guam ngayong Nobyembre. (RON TOLENTINO)
