Mga ka-Berdugo, sa panahon ngayon kung saan bawat galaw ng mga opisyal ng gobyerno ay lantad sa mata ng publiko, hindi maiiwasang sumiklab ang usapin hinggil sa tinatawag na “nepo wives.”
Kasi kung mayroon daw mga nepo baby, siyempre mayroong nepo wives.
Sa kasong ito, nakatutok ang mga mata ng mga netizen sa marangyang pamumuhay ni Quezon Governor Helen Tan, asawa ni DPWH Regional Director Engr. Ronnel Tan.
May mga larawan kasi na kumakalat sa social media tulad ng mga mamahaling kasuotan, bag at abubot ng gobernadora na siyang nagsilbing gatilyo ng matinding batikos. Hindi umano ito akma sa pamantayang itinatadhana ng batas.
Maliwanag ang nakasaad sa Republic Act No. 6713, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, Seksyon 8:
“Ang mga opisyal at empleyado, pati ang kanilang pamilya, ay dapat mamuhay nang simple at naaayon sa kanilang posisyon at kita,” sabi sa post ng Bantay Baha Ph Facebook page.
Kung gayon, bakit tila kabaligtaran ang nakikita ng publiko? Sa halip na maging huwaran ng kasimplehan at integridad, lumalabas na ang imaheng nakikita ay kapangyarihang nagiging pribilehiyo para sa luho.
Ang mas malalim na usapin dito ay hindi lang lifestyle ng isang gobernador o ng kanyang asawa. Ito ay patungkol sa tiwala ng bayan. Kapag ang isang opisyal ng gobyerno, o maging ang kanyang pamilya, ay nagpapakita ng pamumuhay na hindi tugma sa kanilang sweldo at posisyon, natural na magdududa ang mamamayan.
Dito nagsisimula ang tanong ng ating mga kababayan: saan galing ang pera?
Saan nga ba? Kung saan man galing, aba’y sila-sila lang ang nakaaalam.
May nabasa pa tayong komento mula sa isang netizen sa ipinost na larawan sa isang Facebook page kaugnay nga rito sa mga mamamahaling kasuotan at abubot ni Gov. Tan na nanawagan ng lifestyle check para sa mga opisyal at kanilang pamilya.
Dagdag pa niya, kung ang pondo ng bayan ay para sa mamamayan, dapat ay makita ito sa mga paaralan, ospital, kalsada at tulay, hindi sa mamamahaling kagamitan at selebrasyon.
Biro pa ng isang nagkomento, “Parang ala-Discaya pala ang pamumuhay ni Gov. Helen Tan.”
Sila nagsabi niyan ha?! Hindi ako.
Mga ka-Berdugo, huwag sana nating hayaang maging normal ang nepotismo at pagpapayaman sa puwesto. Ang mga lingkod-bayan at ang kanilang pamilya ay may obligasyon na ipakita hindi lamang ang kahusayan sa pamumuno, kundi higit sa lahat, ang pagpapakumbaba at pamumuhay nang tapat sa prinsipyo ng serbisyo publiko.
Naniniwala ang inyong lingkod na ang pagiging lingkod-bayan ay hindi karangyaan, ito’y sakripisyo. Kaya’t panahon na para ipakita ng mga nasa poder na nauunawaan nila ang diwa ng serbisyong tunay para sa tao, hindi para sa sarili.
May kasunod pa. Abangan…
***
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com
