Larawan mula sa Tawi-Tawi Maritime Pulis Sou I/FB page

Nasagip ng mga awtoridad ang 13 biktima at naaresto ang dalawang umano’y facilitator sa isang anti-human trafficking operation sa Bongao, Tawi-Tawi, noong Biyernes ng hapon, Setyembre 5, ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Lt. Col. Jeseryl Dela Cruz, hepe ng 1st Special Operations Unit ng PNP Maritime Group, binubuo ang mga biktima ng anim na lalaki at pitong babae mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nasabat ng mga awtoridad ang ilang traysikel at hindi markadong bangkang de-motor na ginagamit sa paglilipat ng mga biktima sa iba’t ibang lugar sa Bongao.
Ang operasyon ay isinagawa matapos makatanggap ng ulat mula sa Municipal Inter-Agency Committee Against Trafficking at National Bureau of Investigation tungkol sa mga pasaherong pinaghihinalaang biktima ng human trafficking na dumating sakay ng eroplano patungong Tawi-Tawi.
Naaresto sa operasyon ang dalawang facilitator, samantalang nakatakas ang isang bangkero. Hindi pa isiniwalat ang pangalan ng mga naarestong suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ayon sa paunang imbestigasyon, siyam sa mga biktima ang na-recruit upang magtrabaho bilang customer service representatives sa Thailand sa ilalim ng isang banyagang logistics company, habang ang apat naman ay inihanda para maging entertainers sa Kota Kinabalu, Malaysia.
“Lahat sila ay umamin na wala silang tamang travel at work documents, dahilan upang maging bulnerable sa human trafficking,” ani Dela Cruz.
Ipinagkatiwala na ang mga biktima sa Ministry of Social Services and Development ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para sa angkop na pangangalaga at tamang disposisyon. (LIMUEL TOLENTINO)
