PATAY ang isang 22-anyos na motorcycle rider matapos sumalpok sa isang Mitsubishi L-300 van sa Sitio Kapatagan, Barangay San Jose, Antipolo City, nitong Biyernes ng umaga, Setyembre 5, 2025.
Kinilala ng mga pulis ang biktima na si Jenney “Junior” Herona Jr., residente ng Baras, Rizal, na nagtamo ng malubhang pinsala sa ulo at idineklarang dead on arrival sa Cabading Hospital dakong alas-7:25 ng umaga.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, alas-6:05 ng umaga ay bumibiyahe si Herona sakay ng kanyang Suzuki Raider 110cc motorcycle na may kargang sariwang manok at nakasuot ng kapote.
Nang umabot sa lugar ng insidente, sumabit umano ang laylayan ng kanyang kapote sa gulong ng motorsiklo dahilan upang mawalan siya ng kontrol at lumihis sa kabilang linya.
Dito na sumalpok ang motorsiklo sa paparating na Mitsubishi L-300 van (plate no. AKA 1292) na minamaneho ni Ramel, 47-anyos, residente ng Brgy. San Jose, Antipolo.
Agad na isinugod si Herona sa ospital ngunit hindi na naisalba ang kanyang buhay. Samantala, na-turn over sa mga awtoridad ang van at ang tsuper nito para sa mas malalim na imbestigasyon. Inihahanda na ng Antipolo City Police ang kaukulang kaso kaugnay ng insidente na isinailalim sa Road Crash Incident Report (RIR) to Homicide and Damage to Property.
