Umabante sa semifinals ng Guadalajara 125 Open ang tennis sensation na si Alex Eala matapos talunin ang Italyana na si Nicole Fossa Huergo, 7-6(2), 6-2, nitong Biyernes (Setyembre 5, oras sa Pilipinas).
Nagpakitang-gilas ang 20-anyos na Pinay sa unang set matapos makabawi mula sa 1-4 na pagkakabaon at balikatin ang 6-5 lead bago tuluyang selyuhan ang set sa tiebreak. Sa ikalawang set, tabla sa 2-all, mabilis na humataw si Eala at sinikwat ang tatlong sunod na laro gamit ang matitinding palo at matatag na depensa upang tuluyang paluhurin ang Italyanong kalaban.
Mas kahanga-hanga pa, dumating ang panalo ilang oras lamang matapos ang kanyang marathon match laban sa beteranang Amerikana na si Varvara Lepchenko, 6-7 (3), 7-6 (3), 6-3, sa Round of 16.
Sunod na makakaharap ni Eala sa semis ngayong Sabado (Setyembre 6) si Kayla Day ng Estados Unidos, na siyang nagpatalsik sa third seed na si Emiliana Arango ng Colombia, 7-5, 6-2. Ito ang unang pagtutuos nina Eala at Day, parehong sabik sa kanilang kauna-unahang WTA title.
Dahil sa tagumpay, umakyat si Eala sa No. 69 sa WTA live rankings. Siya ang second seed sa torneo.
Bago ito, tinalo ni Eala sa opening round ang Dutch player na si Arianne Hartono (6-2, 6-2) at sumabak sa rain-delayed thriller kontra Lepchenko.
Galing din siya sa second-round exit sa US Open matapos matalo kay Cristina Bucșa ng Spain, 6-4, 6-3, bagama’t naiukit ang makasaysayang panalo laban sa Danish star na si Clara Tauson, 6-3, 2-6, 7-6 (13-11). (RON TOLENTINO)
