ANGELES CITY, Pampanga – Arestado ng Bureau of Immigration (BI) fugitive search unit (FSU) ang isang Japanese national na hinihinalang miyembro ng kilalang “Luffy” syndicate sa isinagawang operasyon nitong Huwebes.
Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang suspek bilang si Ohnishi Kentaro, 47, na dinakip sa kahabaan ng Friendship Highway, Brgy. Cutcut, Angeles City.
Isinagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police (PNP).
Ayon sa BI, idineklarang undesirable alien si Ohnishi matapos makatanggap ng impormasyon mula sa gobyerno ng Japan na may inilabas na arrest warrant laban sa kanya noong 2022 ng Tokyo Summary Court dahil sa kasong pagnanakaw.
Modus umano ng grupo ang pagpapanggap bilang mga pulis upang malinlang ang matatandang biktima at mapasakamay ang kanilang mga ATM card at personal na impormasyon. Ginagamit ang mga ito para sa ilegal na pag-withdraw ng pera, na nagresulta sa malaking halaga ng nakulimbat na yaman.
Si Ohnishi ay kabilang sa mga natitirang miyembro ng Luffy syndicate, na ayon sa Japanese authorities ay kumita ng mahigit ¥1 bilyon mula sa nakaw, panlilinlang, at iba pang ilegal na gawain.
Mananatili ang suspek sa kustodiya ng BI habang isinasailalim sa deportation proceedings, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking mahuli, maipadeport, at ma-ban ang mga banyagang pugante sa bansa. (MINA PADERNA)
