Hindi raw bagong isyu ang flood control scam na yumanig sa Senado at Kongreso.
Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, chair ng House Committee on Good Government and Public Accountability, matagal nang nagsimula ang kabulukan noong panahon pa ng Duterte administration.
Sa pagdinig ng House Infra committee nitong Martes, binunyag ni Chua na budget insertions ang ugat ng ghost at substandard projects na sumipsip ng bilyon-bilyong piso mula sa kaban ng bayan.
“Noong 2017 pa lang, nagsimula nang maglabasan ang mga babala. Sunod-sunod ang ulat ng COA mula 2017 hanggang 2020 na libo-libong proyekto na delayed, depektibo, o tuluyang hindi naipatupad. Daan-daang bilyong piso ang napunta sa wala,” pasabog ng kongresista.
Hindi lang iyon, mismong PCIJ noong 2018 ang naglantad ng mga malalaking contractor na sangkot sa palpak na proyekto.
At noong 2019, mismong House Committee on Appropriations ang nakahuli sa sangkaterbang flood control projects na isinisingit lang sa pondo para makapiga ng kita.
At heto ang pinakamabigat, si dating Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang umamin noong 2020 na talamak ang ghost projects sa buong bansa.
“Sa madaling salita, hindi bago ang problemang ito. Ito ay problemang namana, naipon at napabayaan at ngayon, lumulutang na parang sugat na matagal nang hindi ginagamot,” ani Chua.
Nilinaw ng mambabatas na hindi para sa turuan ang pagdinig kundi para tukuyin kung saan dumadaan ang katiwalian.
“Uhaw tayo sa good governance. Kada bagyo, lumulubog ang bayan. Pero hindi lang baha ang problema, binaha rin tayo ng anomalya,” dagdag niya.
Ang imbestigasyon ay pinagsamang pagdinig ng Good Government, Public Accounts, at Public Works committees ng Kamara.
