Iniimbestigahan ngayon ng Commission on Elections (Comelec) ang 15 kontratista ng gobyerno na posibleng nagsilbing campaign donors noong 2022 presidential elections.
Kinumpirma ni Comelec Chairperson George Garcia na ang bilang na ito ay maaari pang madagdagan habang patuloy na nire-review ng Political Finance and Affairs Department ang mga Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) ng mga kandidato.
“As of yesterday, we’ve identified 15 contractors who provided support, assistance, or donations to 2022 candidates,” pahayag ni Garcia sa isang press briefing nitong Agosto 29.
“We are prioritizing all positions involved in 2022. There may be more beyond these 15,” dagdag pa niya.
Hindi pa matiyak ng Comelec kung may direktang paglabag na nagawa ang mga nasabing kontratista, subalit tiniyak ni Garcia na makikipag-ugnayan sila sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para malaman kung ang mga kontratista ay may hawak na kontrata sa gobyerno noong panahon ng halalan.
Matatandaang noong nakaraang linggo, kinumpirma ng Comelec na may apat na kontratista na nakapagsumite na ng kontribusyon sa mga pambansang kandidato noong 2022.
Alinsunod sa Omnibus Election Code, mahigpit na ipinagbabawal ang anumang kontribusyon (direkta man o hindi) mula sa mga indibidwal o entity na may hawak na kontrata sa gobyerno. Nagdudulot ito ngayon ng agam-agam kung may pondo ng bayan na ginamit para sa partisan politics.
