Na-neutralize ng Philippine Explosives and Combating Unit (PECU) Rizal ang mga lumang pampasabog at bala na nadiskubre sa bundok ng Alta Vista, San Roque, Antipolo City nitong Lunes, Agosto 25, 2025.
Bandang alas-2:40 ng hapon, nagtungo ang PECU Rizal, sa pangunguna ni PLT Rudy Saballero, matapos makatanggap ng tawag para sa Explosive Ordnance Disposal (EOD) assistance.
Nakipag-coordinate sila kay PCpl Von Christian A. Castelo ng Antipolo City CCPS upang masigurong ligtas ang operasyon.
Nadiskubre ang unexploded ordnance (UXO) habang nagbubungkal gamit ang backhoe. Mabilis na isinagawa ang pagsusuri at natukoy na ito ay 224 piraso ng Japanese Type 89 Knee Mortar 50mm shells at 1,284 na bala ng 30-caliber cartridges.
Isinagawa agad ang render-safe procedure, at dinala ang mga ordnance sa pansamantalang imbakan habang hinihintay ang schedule para sa wastong disposisyon.
Natapos ang operasyon ng ligtas bandang alas-8:00 ng gabi sa parehong araw, at walang naiulat na aksidente o pinsala.
Ayon sa PECU, patunay ito na may mga lumang pampasabog mula pa sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa rehiyon, kaya’t mahalaga ang patuloy na pagbabantay at agarang aksiyon ng mga EOD teams para sa kaligtasan ng publiko.
