Panibagong milestone sa career ni Kapamilya host Robi Domingo matapos niyang masungkit ang kanyang unang awards mula sa dalawang prestihiyosong awarding bodies, ang 37th PMPC Star Awards for Television at ang 53rd Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation Box Office Entertainment Awards.
Sa social media, ipinahayag ni Robi ang kanyang pasasalamat matapos ma-naming Best Male TV Host ng PMPC at Male Host of the Year ng Guillermo Mendoza Foundation.
“Two awards. One heart that’s overflowing with gratitude,” wika ni Robi.
“Winning Best Male TV Host at the 37th PMPC Star Awards and Male Host of the Year from the Guillermo Mendoza Foundation is truly a dream come true. These are my firsts, and they will always be special.”
Nagpasalamat din siya sa Kapamilya network at sa lahat ng production teams ng kanyang mga shows.
“Thank you so much to @ABSCBN, our bosses who have continuously believed in me… lahat ng ito ay para sa atin,” dagdag niya.
Hindi rin nakalimutang pasalamatan ang kanyang pamilya at misis, na nagbigay ng suporta at inspirasyon sa bawat late night at maagang call time. “This feat wouldn’t be possible without you,” ani Robi.
Sa mga mentor at industry idols, sinabi niya: “You’ve been my guiding light. Thank you for paving the way and setting the standard.”
Para kay Robi, ang pagkilala ay motibasyon para magpatuloy at mag-improve sa kanyang craft.
“These awards aren’t just recognition… they’re fuel, a gargantuan push,” aniya.
Pinuri siya ng mga kaibigan sa industriya, kabilang sina Enchong Dee, Alexa Ilacad, Martin Nievera, Gabbi Garcia, Gela Atayde, Ai Dela Cruz, Erik Santos, at Pops Fernandez. Sina Luis Manzano, Melai Cantiveros, at Arron Villaflor ay nagbigay din ng pagbati sa kanya sa social media.
Kamakailan, nag-renew si Robi ng kontrata sa ABS-CBN, kasabay ng kanyang 17th year sa showbiz.
Ayon sa kanya, ang loyalty sa network ay bunga ng paniniwala sa mga pinahahalagahan nito at serbisyo sa mga Pilipino.
Mula nang maging first runner-up sa Pinoy Big Brother: Teen Edition Plus noong 2008, naging isa si Robi sa pinaka-prominenteng hosts ng Kapamilya network, kabilang ang ASAP, Pinoy Big Brother, The Voice of the Philippines, Pilipinas Got Talent, Idol Kids Philippines, at iba pa. Naging MYX VJ rin siya mula 2008–2010 at 2014–2020.
