Ang umano’y ghost flood control project sa Bulacan na inireklamo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay panukala ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at hindi galing sa congressional insertion, ayon sa co-chair ng House Committee on Infrastructure.
Batay sa pagsusuri ni Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon sa National Expenditure Program (NEP) at General Appropriations Act, lumalabas na ang mga proyektong tinukoy ng Pangulo, kabilang ang ghost project sa Bulacan at ilang substandard na flood control works, ay direktang inirekomenda ng DPWH.
“Marami po sa mga napuntahan ng Pangulo, partikular sa Bulacan, ay mga NEP-originated projects. Hindi po ito congressional initiative-originated projects,” paliwanag ni Ridon.
Kabilang dito ang proyekto umano ng first engineering district ng Bulacan sa pamamagitan ng SYMS Construction Trading, pati na rin ang substandard project ng St. Timothy Construction.
Ayon kay Public Works Secretary Manuel Bonoan, iimbestigahan nila kung totoo ang alegasyon na mismong DPWH ang nagpanukala ng mga proyektong ito.
“For as long as it is a ghost project, then we’ll have to file the necessary charges,” ani Bonoan, na nag-anunsyo rin ng preventive suspension laban sa district offices na sangkot.
Magsisimula ang imbestigasyon ng House InfraComm sa Setyembre 2, kung saan ipapatawag ang mga contractor na binanggit ng Pangulo, gayundin ang mga opisyal ng DPWH, Commission on Audit (COA), at Bureau of Internal Revenue (BIR).
“Dapat may criminal charges para sa ghost projects. Kung P55 milyon na proyekto ang pinera, hindi ba plunder na ‘yun?” giit ni Ridon.
Bagama’t iginiit ni Bonoan na wala siyang kinalaman sa iregularidad, aminado siyang may pananagutan ang central office at mga regional director sa kakulangan ng masusing pagbusisi.
“I don’t tolerate this kind of attitude. Kaya nga I’m filing all the charges,” giit ng kalihim.
Samantala, inanunsyo ng COA na magsasagawa ito ng technical inspection sa lahat ng flood control projects mula Enero 1, 2022 hanggang Hulyo 31, 2025, maging ongoing o tapos na ang implementasyon.
