DRIVING THE SHIFT TO RENEWABLE ENERGY. Muling nagkasundo ang MPower at The Peninsula Manila para tiyaking renewable energy na ang magpapaandar sa iconic na five-star hotel sa Makati. Sa larawan (L-R): MPower Strategic Account Management Head Pamela L. Santos, MPower Retail Sales Head Eddie John V. Adug, MPower Head Redel M. Domingo, The Peninsula Manila Hotel Director Kevin Tsang, Hotel Manager Mike Yutuc, at Finance Director Jestoni Panganiban sa ginanap na pirmahan sa The Peninsula Manila.
Isang makasaysayang hakbang ang ginawa ng The Peninsula Manila matapos lumagda ng kasunduan sa MPower, ang local retail electricity supplier ng Manila Electric Company (Meralco), upang tuluyang lumipat sa paggamit ng renewable energy.
Sa ilalim ng bagong kontrata, ang iconic na five-star hotel sa Makati City ay gagamit na ng malinis na enerhiya, na layong magpababa ng carbon emissions at suportahan ang pangmatagalang sustainability strategy nito na tinaguriang Sustainable Luxury Vision 2030.
Ang The Peninsula Manila ang ikalawang property sa buong Southeast Asia, at ikaapat sa buong mundo sa portfolio ng hospitality giant, na ganap nang pinapagana ng renewable energy.
Ayon kay Kevin Tsang, director ng The Peninsula Manila, ang pakikipagtulungan sa MPower ay “sumasalamin sa parehong dedikasyon sa inobasyon at pangangalaga sa kalikasan,” at nagsisilbing inspirasyon para sa iba pang negosyo na tahakin ang mas luntiang direksyon.
Para naman kay MPower Head Redel M. Domingo, ang 12-taong partnership nila ng hotel ay lalo pang tumibay sa bagong commitment na ito. “Higit sa serbisyo, hinuhubog natin ang kasalukuyan na may layunin at nagtutulungan tungo sa isang mas napapanatiling kinabukasan,” ani Domingo.
Layon ng Sustainable Luxury Vision 2030 ng The Peninsula Manila na bawasan ang paggamit ng likas na yaman gaya ng enerhiya, tubig at pagkain, habang sabay na tinutugunan ang mga isyung may kinalaman sa climate change at social inequality.
Sinabi ng MPower na patuloy itong magbibigay ng cost-competitive supply para matulungan ang mas maraming negosyo sa kanilang transisyon tungo sa mas episyente at environment-friendly na operasyon. (MINA PADERNA)
