
Pormal na tinanggap ng Bureau of Immigration (BI) ang 30 bagong immigration officers na nagsipagtapos noong Agosto 18 sa punong tanggapan ng ahensya sa Intramuros, Maynila.
Ayon sa BI, bahagi ito ng inisyatiba ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isinusulong ang modernization at professionalization ng mga frontline agencies ng gobyerno.
Halos dalawang buwan ding sumailalim sa fast-track training ang mga bagong opisyal na kinabibilangan ng theoretical lessons, practical communication exercises, at mga soft skill na kailangan sa pagbibigay-serbisyo sa publiko.
Pinangunahan ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang pinning ceremony at hinikayat ang mga nagtapos na manatiling tapat sa kanilang tungkulin at gampanan ang mahalagang papel sa pagbabantay ng pambansang seguridad at hangganan ng bansa.
Kasama rin sa seremonya si Atty. Cris Villalobos, Acting Chief ng Human Resource Development Division, na nagpaalala tungkol sa kahalagahan ng disiplina at propesyonalismo, at si Kryse Mende, Learning and Development Section Chief, na nangasiwa sa pagsasanay.
Sinabi ng BI na makatutulong ang mga bagong opisyal sa pagpapalakas ng operasyon ng immigration, lalo na sa mga international ports of entry at exit sa bansa.
Ang mga nagtapos ay agad nang ide-deploy sa iba’t ibang pantalan ng Pilipinas. (MINA PADERNA)
