Tinatayang aabutin ng limang oras ang presentasyon ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa nakatakdang confirmation of charges hearing ng International Criminal Court (ICC) sa Setyembre 23, kaugnay ng mga paratang na crimes against humanity sa madugong kampanya kontra droga ng kanyang administrasyon.
Batay sa tatlong pahinang dokumentong isinumite sa Pre-Trial Chamber 1 nitong Agosto 22, sinabi ng abogado ni Duterte na si Nicholas Kaufman na gugugol ng tig-30 minuto ang depensa para sa opening at closing statement, habang tatlong hanggang apat na oras naman para sa pangunahing presentasyon ng kanilang argumento.
Giit ng depensa, hindi sangkot si Duterte sa anumang krimen:
“For the sake of clarity and the historical record, Mr. Duterte did not commit any criminal offense,” ani Kaufman.
Dagdag pa niya, tapat na naglingkod si Duterte sa bayan at matagal nang ipinagmamalaki ang kanyang serbisyo.
Kasama sa tatalakayin ng depensa ang isyu ng umano’y pagkakaugnay ni Duterte sa libu-libong patayan na idinulot ng kampanya laban sa droga. Batay sa datos, mahigit 7,000 drug personalities ang nasawi sa operasyon ng pulisya.
Ipinupunto ng mga ahensiya ng batas na napatay ang mga ito matapos manlaban, ngunit lumabas sa ilang pagsusuri ng Department of Justice na may mga iregularidad, tulad ng kakulangan sa autopsy at forensic reports.
Sa ilalim ng Rome Statute, ang confirmation of charges hearing ay para tukuyin kung may sapat na ebidensya upang tuluyang isailalim ang isang akusado sa paglilitis. Puwedeng kumpirmahin ang mga kaso, ibasura kung kulang ang ebidensya, o hilingin sa prosekusyon na magsumite ng dagdag na ebidensya o baguhin ang mga paratang.
Matatandaang inaresto si Duterte noong Marso at inilipat sa The Hague, Netherlands, upang harapin ang mga kaso sa ICC. (LIMUEL TOLENTINO)
