Larawan mula kay Sen. Rodante Marcoleta/FB
Binulgar ni Senador Rodante Marcoleta na dehado umano ang Pilipinas sa kasunduan nito sa Amerika pagdating sa taripa at depensa, matapos niyang harapang kausapin ang bumisitang US Senator Rick Scott, kilalang kaalyado ni dating US President Donald Trump.
Sa isang TV interview, sinabi ni Marcoleta na halos walang pakinabang ang bansa sa reciprocal tariffs na ibinigay ng US sa ilalim ng administrasyong Trump.
“Isang porsyento lang ang ibinaba sa atin — mula 20% naging 19%,” ani Marcoleta, na siya ring chairman ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship. “Samantalang ang Indonesia, mula 32% naging 19%, at Vietnam, mula 46% bumaba sa 20%. Mas malaki ang tinamasa nila kaysa sa atin.”
Kuwestiyonable rin umano ang “across-the-board” na bawas ng taripa dahil hindi nito isinasaalang-alang ang natatanging kalagayan ng ekonomiya ng Pilipinas, lalo na ang mga exporter ng semiconductor na patuloy na lugi.
Hindi lang ekonomiya ang binira ng senador, kundi pati ang 1951 Mutual Defense Treaty (MDT) ng Pilipinas at Estados Unidos. Giit niya, hindi pantay ang benepisyong natatanggap ng bansa kahit obligadong dapat na parehong palakasin ng dalawang bansa ang kakayahan nilang depensahan ang isa’t isa laban sa armadong atake.
“Maraming beses nang sumulat ang Department of Foreign Affairs sa US tungkol dito, pero hindi pa rin pantay ang kalakaran,” diin ni Marcoleta.
Kasama sa pagbisita ni Scott sa Senado ang pagpapalakas umano ng ugnayan ng dalawang bansa — pero ayon kay Marcoleta, malinaw na mahina ang posisyon ng Pilipinas sa kasalukuyang kalakaran.
