TUCP party-list Rep. Raymond Mendoza (Larawan mula sa PNA)
Habang naghahanda ang gobyerno na itaas ang terminal fees sa NAIA simula Setyembre 14, binanatan ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang Department of Transportation (DOTr): unahin daw ang pagbaba ng pamasahe kaysa sa pagtutulak ng dagdag singil.
Ayon kay TUCP party-list Rep. Raymond Mendoza, maraming Pilipino ang hirap na hirap na sa mataas na bilihin at mababang kita, kaya’t imbes na dagdagan ang pasanin, dapat magbigay ng diskwento sa pamasahe.
Ang terminal fee sa NAIA ay tataas mula P550 tungo sa P950 para sa international flights, at mula P200 tungo sa P390 para sa domestic flights — halos doble ang itataas. Ito’y eksaktong isang taon matapos hawakan ng New NAIA Infra Corp. (NNIC) ang operasyon ng paliparan.
Depensa ni Transport Secretary Vince Dizon, bahagi umano ng concession agreement ang pagtaas ng singil. Pero giit ng TUCP, bago mangolekta ng dagdag bayarin, siguraduhin muna na maayos at mabilis ang serbisyo ng NAIA.
“Bakit sa diskwento sa tren para sa mga minimum wage earners—na araw-araw pumipila at nakikipagsiksikan—tikom ang bibig?” banat ni Mendoza.
Kasabay nito, iginiit ng TUCP ang panukalang 50% discount sa pamasahe sa LRT-1, LRT-2 at MRT-3 para sa mga manggagawang tumatanggap lang ng minimum wage.
Dagdag pa ni Mendoza, madali namang mapatunayan kung ang isang pasahero ay minimum-wage earner sa pamamagitan ng COE at payslip, kaya’t walang dahilan para hindi ito ipatupad.
“‘Wag hayaang masakripisyo ang kakarampot na sweldo ng manggagawa na dapat ay para sa pagkain at tirahan, para lang makapasok at makauwi galing trabaho,” giit niya.
Sa ngayon, tanging estudyante, PWDs at senior citizens ang may 50% discount sa mga tren—kaya’t ayon sa TUCP, “naiiwan sa ere” ang ordinaryong manggagawa.
