
Lalong tumitibay ang pader ng PLDT High Speed Hitters matapos ipasok ang pambato nilang rookie na si Alleiah Malaluan, na agad nagpasabog ng puntos para tuluyang i-domina ang Cignal HD Spikers, 25-19, 25-13, 25-22, sa PVL Invitational sa Philsports Arena.
Hindi nagpaawat ang dating La Salle standout na nagrehistro ng 12 puntos — mula sa mabibigat na palo, off-speed shots, aces, at backrow attacks — dahilan para muling hirangin bilang Best Player of the Game sa ikalawang sunod na laban niya sa pro league.
Una nang nagpakilala si Malaluan sa pagbubukas ng torneo kontra Chery Tiggo, kung saan siya ang top scorer na may 11 puntos at 13 digs, bagay na nagbigay-pahinga pa sa mga beteranang sina Savi Davison at Kim Dy.
“Kailangan ko pang itaas ang laro ko kasi nandiyan ‘yung mga ate ko na gumagabay sa akin,” ani Malaluan, na inaming laki ng tiwala at suporta ng kanyang mga kasama.
Sa ikatlong set, muntik nang makabawi ang Cignal nang lumamang 19-16 matapos ang service ace ni Ethan Arce, pero mabilis na bumawi ang PLDT sa likod nina Dy, Kath Arado at sa mga sablay ng kalaban.
Naging dikit ang labanan hanggang dulo, pero sa clutch moments, umatake si Davison ng dalawang sunod na crosscourt hits na nagbigay ng match point para sa High Speed Hitters. Sa huli, sumablay ang atake ni rookie Jessa Ordiales ng Cignal, at tuluyang tinapos ng PLDT ang laban sa loob ng 1 oras at 21 minuto.
Sa panalong ito, lalo pang pinatibay ng PLDT ang kanilang imahe bilang team to beat ngayong Invitational — lalo na’t may dagdag na firepower mula sa kanilang bagong alas na si Malaluan. RON TOLENTINO
