Pinahayag ng League of Cities of the Philippines (LCP), na binubuo ng mga alkalde ng mga lungsod sa bansa, ang kanilang buong suporta sa panawagan ni Pangulo Ferdinand R. Marcos Jr. para sa masusing government accounting at performance review ng mga flood control projects.
Sa kanyang kamakailang State of the Nation Address (SONA), binigyang-diin ng Pangulo ang hindi maayos na pagpapatupad ng flood control initiatives na patuloy na naglalagay sa panganib ng buhay ng mga Pilipino, lalo na tuwing bagyo.
Ayon sa pahayag ni Mayor Francis Zamora, LCP National President, naranasan ng mga alkalde ang mga epekto ng baha: pagkawala ng buhay at kabuhayan, pagkaantala sa edukasyon ng mga bata, at pagtaas ng mga sakit tulad ng leptospirosis.
Binigyang-pugay ng LCP ang direktiba ng Pangulo at nagpahayag ng suporta sa kasalukuyang imbestigasyon laban sa alegasyon ng anomalya sa implementasyon ng substandard at tinaguriang “ghost” flood control projects. Hinimok din nila ang mga kaukulang ahensya ng gobyerno na makipagtulungan at mag-ulat nang tapat sa tunay na kalagayan ng mga proyekto.
“Dapat wakasan ang korapsyon at hindi epektibong gawain at ituon ang pansin sa pangmatagalang solusyon sa baha na epektibo at sustainable,” ani Zamora. Ayon sa kanya, may mga teknolohiya at agham na puwedeng gamitin, lalo na kung nakabatay sa climate change adaptation at maayos na city planning.
Bukas din ang LCP sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor, kabilang ang pribadong partner, upang masiguro ang maayos at epektibong implementasyon ng mga proyekto.
