Pinawalang-sala ng Sandiganbayan sina dating Vice President Jejomar Binay at anak niyang si dating Makati Mayor Jejomar “Junjun” Binay Jr. sa kasong graft, falsification of public documents, at malversation kaugnay ng umano’y overpriced na P2.2-bilyong Makati City Parking Building.
Ang proyekto ay sinimulan pa noong termino ng nakatatandang Binay bilang alkalde ng Makati at itinuloy ni Junjun mula 2010 hanggang 2013.
Sa paglilitis, iginiit ni Junjun na ang kanyang papel ay limitado lamang sa pag-apruba ng release ng payments noong 2011 at 2013.
Aniya, ang bidding at post-bidding activities ay isinagawa ng iba pang opisyal at hindi niya personal na pinangasiwaan.
Sa desisyon nito, sinabi ng Sandiganbayan na hindi napatunayan ng prosekusyon ang mga paratang beyond reasonable doubt, dahilan para ibasura ang kaso laban sa mag-amang Binay.
Matapos ang pagbasura ng kaso, tumanggi ang pamilya Binay na magbigay ng pahayag sa media.
