Photo from Sen. Migz Zubiri/Instagram

Binuweltahan ni Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri ang umano’y paulit-ulit na pagmamaniobra sa pondo ng mga infrastructure project, partikular na sa flood control, at nanawagan ng buong transparency at pananagutan mula sa mga mambabatas at ahensya ng gobyerno.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Martes ukol sa alegasyon ng katiwalian sa flood control projects, tinawag ni Zubiri na “elephant in the room” ang iligal na pagbabago sa National Expenditure Program (NEP) matapos itong maisumite sa Kongreso.
Ayon sa senador, ilang flagship projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang bigla na lamang nawawala o napapalitan ng mga kuwestiyonableng proyekto pagdating ng General Appropriations Act (GAA).
“Ito mismo ang reklamo ni Budget Secretary Amenah Pangandaman—nawala na raw ang flagship projects, pati right of way. Hindi lahat ng DPWH ang may sala, kasi nadadale rin ang kanilang budget,” giit ni Zubiri.
Ipinaliwanag niya na dumadaan sa masusing vetting at approval ng Regional Development Council (RDC) ang DPWH projects bago mapasama sa NEP, ngunit sa bicameral conference committee ay bigla na lang umuusbong ang mga proyektong halos walang pagsusuri—tulad ng road paint jobs, solar lamps, at substandard flood control structures.
“Ilabas na natin ang listahan. Sino ba talaga ang nag-amend? Tapos depensahan nila sa Luneta kung kaya nilang depensahan bakit nila ipinasok ‘yan,” matapang na hamon ni Zubiri.
Binigyang-diin pa ng dating Senate President ang mga kaso ng substandard na implementasyon—tulad ng pinaikling road projects at mga flood control infrastructure na aniya’y tila gawa lamang sa coco lumber at manipis na semento.
Kung ganito raw ang kalakaran, dapat kasuhan ang mga responsable gaya ng nangyari sa pork barrel scam ni Janet Napoles.
“Kung nasa kontrata ay 100 linear meters pero 50 lang ang ginawa, puwede silang kasuhan tulad ng ginawa kay Napoles,” giit niya.
Pinuri rin ni Zubiri si Sec. Pangandaman sa personal na pag-iinspeksyon sa mga project site—isang hakbang na tinawag niyang “bihira” para sa isang DBM Secretary at patunay ng reporma.
Dagdag niya, dapat gawing pamantayan sa serbisyo publiko ang ganitong klase ng masusing oversight.
“We must fix what has happened in the past. And if cases have to be filed, let’s file the cases,” pagtatapos ni Zubiri.
