Pumirma ang Meralco Power Academy (MPA) at KEPCO International Nuclear Graduate School (KINGS) ng kasunduan para sa capacity building na magpapalakas sa Nuclear Energy Strategic Transition (NEST) program ng Meralco. Ginanap ang seremonya sa KINGS campus sa Ulsan, South Korea, na pinangunahan nina (L-R) Meralco SVP at CHRO Edgardo V. Carasig, Meralco EVP at COO Ronnie L. Aperocho, KINGS Acting President Hak-Kyu Lim, at KINGS Executive Director Soo-Jin Park.
Mas pinaigting ng Manila Electric Company (Meralco), na pinamumunuan ni Manuel V. Pangilinan, ang kanilang pagtutulak para sa Nuclear Energy Strategic Transition (NEST) program sa pamamagitan ng mas matibay na pakikipag-ugnayan at bagong kasunduan sa mga pangunahing energy at technology institutions sa South Korea.
Sa ilalim ng Meralco Power Academy (MPA), nilagdaan ng kumpanya ang isang Memorandum of Understanding (MOU) kasama ang KEPCO International Nuclear Graduate School (KINGS). Magsisimula na silang magpadala ng mga iskolar sa Marso 2026 bilang bahagi ng Filipino Scholars and Interns on Nuclear Engineering (FISSION) program na layong makapagsanay ng mga Pilipino sa larangan ng nuclear engineering.
Itinatag ng Korea Electric Power Corporation (KEPCO), ang KINGS ay nag-aalok ng curriculum na direktang nakaugnay sa industriya, may access sa live plant data, simulators, field visits at digital learning environment para sa nuclear operations at reactor management.
Kasabay nito, tinalakay din ng Meralco at KEPCO ang posibleng kooperasyon sa smart grid modernization, storm hardening at energy transition strategies tulad ng advanced metering infrastructure (AMI), grid automation, data analytics at distributed energy resource integration.
Sa unang quarter ng 2026, inaasahang magho-host ang MPA ng mahigit 20 estudyante mula sa KEPCO-operated Sudo Electric Technical High School. Mula pa noong 2023, nakapagtala na ang MPA ng 71 estudyante sa ilalim ng Philippine Technical and Cultural Immersion Program.
Sa kanilang pagbisita sa South Korea, pumirma rin ang Meralco ng kasunduan sa DL Engineering & Construction para pag-aralan ang posibilidad ng deployment ng Small Modular Reactors (SMRs) sa Pilipinas. Sakop ng MOU ang feasibility studies, site assessments at long-term strategic planning. Malaki umano ang interes ng Meralco sa SMRs bilang future-ready solution lalo na para sa mga off-grid na lugar sa bansa.
Nagdaos din ng site visits at strategic dialogues ang Meralco kasama ang kasalukuyan nitong partners tulad ng Korea Hydro and Nuclear Power (KHNP), Samsung C&T Corporation, at LG Energy Solutions, na siyang may hawak ng pinakamalaking Battery Energy Storage System (BESS) sa South Korea.
“Ang mga estratehikong engagement namin sa South Korea ay patunay ng aming pangako sa responsableng pag-develop ng nuclear energy. Sa pakikipagpartner sa mga global leaders na may malalim na kaalaman at aktwal na karanasan, mas napapalakas namin ang kakayahan upang masiguro ang ligtas at sustainable na paggamit ng nuclear energy sa Pilipinas,” ayon kay Meralco EVP at COO Ronnie L. Aperocho.
“Ang mga natutunan naming best practices ay makatutulong para makapag-ambag sa pag-unlad ng energy industry at higit sa lahat, masuportahan ang pangmatagalang energy security ng bansa na nakatuon sa kapakanan ng bawat Pilipino,” dagdag pa niya.
Sa pamamagitan ng NEST program, aktibong pinag-aaralan ng Meralco ang lahat ng posibleng landas upang ligtas at responsableng maisama ang nuclear power bilang bahagi ng energy mix ng Pilipinas—bilang pangmatagalang solusyon para sa mababang carbon emission at mas matatag na suplay ng kuryente.
