Arestado ang isang 41-anyos na lalaki na kilala sa alyas na “Meng” matapos mahuli sa isang entrapment operation ng Cyber Financial Crime Unit ng PNP Anti-Cybercrime Group sa Brgy. Malanday, Marikina City nitong Agosto 17, 2025, ganap na alas-3:37 ng hapon.
Nahuli si “Meng” habang ibinebenta umano online ang mga Automated Teller Machine (ATM) cards na ginagamit sa ilegal na transaksyon at scam.
Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa Section 5(d) ng Republic Act No. 12010 o Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA) of 2024 kaugnay ng Section 6 ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Pinuri ni Brigadier General Bernard R. Yang, Acting Director ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG), ang matagumpay na operasyon at nanawagan sa publiko na maging mapagmatyag laban sa mga ganitong uri ng online scam.
Ani Yang: “Ang PNP ACG ay nakatuon sa pagpigil ng mga financial fraud at sa pangangalaga sa integridad ng ating financial systems. Hinihikayat namin ang lahat na makiisa sa laban kontra cybercrime.”
