Lumahok ang Bureau of Immigration (BI) na pinamumunuan ni Commissioner Joel Anthony Viado sa 28th ASEAN Directors-General of Immigration Departments and Heads of Consular Affairs Divisions Meeting (DGICM) at mga kaugnay na pagpupulong na ginanap noong Agosto 12–14, 2025 sa Bandar Seri Begawan, Brunei Darussalam.
Ang DGICM ay taunang pagtitipon ng mga immigration at consular officials ng ASEAN upang palakasin ang regional cooperation sa border management, immigration, at consular affairs.
Sa nasabing forum, ipinresenta ng BI ang kanilang modernization programs para sa mas mahigpit na border security at mas mabilis na serbisyo sa publiko. Kabilang dito ang Advance Passenger Information System (APIS), Cruise Visa Waiver program, eServices portal, eTravel system, electronic gates, at Civil Aviation and Immigration Security Services Project.
Ipinagmalaki rin ng BI, katuwang ang DFA, ang mga bagong inisyatiba gaya ng Digital Nomad Visa at e-Visa system para sa mas maginhawang biyahe ngunit may mahigpit na seguridad.
“Hindi kami titigil sa pagtiyak ng seguridad sa ating borders laban sa panlabas na banta. Patuloy kaming makikipagtulungan sa ating mga katuwang sa ASEAN upang mapanatili ang kaligtasan at seguridad ng rehiyon,” pahayag ng BI.
Dumalo rin ang delegasyon ng Pilipinas sa iba pang pagpupulong gaya ng 8th ASEAN Heads of Major Immigration Checkpoints Forum (AMICF), 4th Meeting of Heads of Specialist Unit on People Smuggling, at 20th ASEAN Immigration Intelligence Forum (AIIF).
Matapos ang DGICM, nakipagkonsultasyon din ang BI sa immigration heads ng Australia, China, Japan, at South Korea para sa mga isyung may mutual interest.
Binigyang-diin ni Viado na ang aktibong partisipasyon ng Pilipinas sa DGICM ay patunay ng pangako ng BI sa border protection, mas matibay na kooperasyon sa ASEAN, at ligtas at maayos na paggalaw ng mga tao sa rehiyon.
