Photo Courtesy by DPWH-NCR
Pinuri ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang matibay at “scientific, data-driven” na flood control program ng Marikina City, ayon kay dating mayor at ngayo’y kongresista Marcelino “Marcy” Teodoro.
Ayon kay Teodoro, ibinida niya kay Marcos na malaking ibinaba ng pagbaha sa Marikina dahil sa mahusay na disenyo ng drainage system na may interconnectivity patungo sa mga outfall area. Batay ito sa historical data mula pa sa Ondoy, Ulysses, Crising at habagat.
Dagdag pa ni Teodoro, tiniyak ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na isasabay at isasaayos ang lahat ng drainage projects ng national government sa master plan ng Marikina.
Plano rin ng gobyerno na magtayo ng karagdagang pumping stations sa Barangay Calumpang at Sto. Niño, habang tinatapos ngayong taon ang iba pang nakabinbing drainage projects ng MMDA.
Binigyang-diin ng kongresista ang “whole-of-government approach” — pakikipagtulungan ng LGUs at national government, gayundin ng karatig-lungsod gaya ng San Mateo, Montalban, Pasig, at Cainta para sa sabayang paglilinis at pagpapaluwang ng mga estero at ilog.
Dagdag pa rito, ibinida rin ni Teodoro na tanging Marikina lang ang may sariling amphibious excavators na walang sawang ginagamit sa dredging ng Marikina River at mga estero buong taon para maiwasan ang pagbabara at siltation.
“Hindi lang gobyerno ang may-ari ng programang ito. Ang bawat Marikeño, bahagi — mula sa tamang pagtatapon ng basura, pagsunod sa easement, hanggang sa pagpapanatili ng kalinisan. Kaya kami hindi na gaanong binabaha ngayon,” ani Teodoro.
Si Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro, asawa ng kongresista, ay nahalal kamakailan bilang focal mayor for flood mitigation ng League of Cities of the Philippines — patunay umano na ang Marikina model ang posibleng gawing template ng bansa laban sa baha.
