Personal na binisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes, Agosto 11, ang Lungsod ng Marikina upang masaksihan ang nagpapatuloy na rehabilitasyon ng Marikina River at mga hakbang para sa flood mitigation — mga proyektong sinimulan ng dating alkalde na si Marcy Teodoro at ipinagpapatuloy ngayon ni Mayor Maan Teodoro.
Kasama ng Pangulo ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pag-inspeksyon sa P57.7-bilyong Pasig–Marikina River Channel Improvement Project (PMRCIP) Phase IV sa ilalim ng Marikina Bridge Loop sa Barangay Sto. Niño. Ipinaliwanag sa kanya ang mga isinasagawang hakbang upang protektahan ang mga mababang lugar mula sa pag-apaw ng ilog Pasig at Marikina, katuwang ang Japan International Cooperation Agency (JICA) sa ilalim ng kasunduan ng Pilipinas at Japan.
Kabilang sa mga ipinakita sa Pangulo ang pagpapalalim at pagpapalawak ng ilog, pagtatayo ng slope protection, pagsasaayos ng drainage systems, at mas pinaigting na waste management. Pinuri ni Pangulong Marcos ang kahandaan ng Marikina sa nakaraang bagyo at ang malinaw na plano laban sa pagbaha.
Ayon kay Mayor Maan Teodoro, dapat pangunahan ng lokal na pamahalaan at suportahan ng national government ang ganitong uri ng proyekto upang matiyak ang mabilis at epektibong resulta.
Sasaklawin ng Phase IV ng PMRCIP ang 7.95 kilometro ng ilog mula Manggahan Floodway hanggang Marikina Bridge, kabilang ang steel sheet pile revetments, reinforced concrete flood walls, at major drainage upgrades.
Tumaas ang halaga ng proyekto mula P33.1 bilyon patungong P57.7 bilyon matapos aprubahan ng NEDA Board ang pagbabago ng disenyo at pagpapalawig ng completion date hanggang Marso 2031.
Sa kasalukuyan, nasa 44% na ang progreso ng proyekto na layong bawasan nang malaki ang panganib ng pagbaha sa Marikina, Pasig, Quezon City, at mga bayan ng Cainta at Taytay sa Rizal.
Matatandaan na noong Nobyembre 2024, binigyang-diin ng Pangulo na itinuturing nang “danger area” ang Marikina dahil sa pagtaas ng tubig tuwing may malalakas na bagyo.
Sinabi naman ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na pinatunayan ng proyekto ang tibay ng disenyo nito matapos maiwasan ang spillover sa huling dalawang malalakas na bagyo.
