Ipinag-utos ng Court of Appeals (CA) kina Camarines Sur Gov. Luis Raymund “LRay” Villafuerte at misis nitong si Lara na bayaran ang $280,000 utang ng kanilang kompanya, ang Lara’s Gifts & Decors, Inc. (LGDI), sa Philippine National Bank (PNB) kasama ang interes hanggang sa ganap na mabayaran ito.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Marlene Gonzales-Sison ng CA Fourth Division, kinatigan ng korte ang 2023 ruling ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) na nag-aatas sa LGDI at mag-asawang Villafuerte na magbayad ng $280,197.11 plus interest, P100,000 attorney’s fees, at P632,949.40 bilang cost of suit.
Batay sa rekord, noong 2007 ay gumamit ang LGDI ng $484,982 mula sa credit line na inaprubahan ng PNB. Nang mabigong mabayaran ang utang, nagpadala ng demand letter ang bangko ngunit hindi ito tinugunan. Nagmungkahi ang mag-asawa ng loan restructuring ngunit tinanggihan ng PNB, dahilan para magdemanda ang kompanya sa korte.
Pinaboran ng RTC ang PNB, pero umapela ang Villafuertes sa CA at iginiit na nagkaroon ng “promissory estoppel” o pangakong dapat tuparin. Pero sinabi ng CA na walang malinaw na pangako ang PNB para i-restructure ang loan at mismong mag-asawa ang hindi tumugon sa imbitasyon ng bangko para pag-usapan ang pagbabayad.
Dagdag pa ng CA, “ghosting” umano ang ginawa ng LGDI at mag-asawang Villafuerte dahil sa loob ng pitong taon ay bigong maihatid sa kanila ang summons at demand letters kahit may patunay na natanggap nila ito.
Samantala, ibinasura rin ng CA ang hiwalay na apela ng PNB na singilin ang LGDI at mag-asawa para sa $80,000 na umano’y maling nailipat sa account ng kompanya, dahil sa kakulangan ng ebidensya.
