Pinirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga proklamasyon na nagdedeklara ng special non-working days sa tatlong munisipalidad at isang lungsod sa Luzon at Mindanao ngayong Agosto.
Sa ilalim ng Proclamation No. 983, idineklara ni Pangulong Marcos ang August 15 bilang special non-working day sa bayan ng Viga, Catanduanes bilang pagdiriwang ng “Araw ng Viga.” Ayon sa proklamasyon na nilagdaan noong Hulyo 24, nararapat lamang na mabigyan ng sapat na pagkakataon ang mga taga-Viga na makilahok sa kanilang selebrasyon.
Kasunod nito, nilagdaan din ang Proclamation No. 984 na nagdeklara ng August 29 bilang special non-working day sa munisipalidad ng Kumalarang, Zamboanga del Sur para sa selebrasyon ng Padul-Os Festival. Layunin nito na mabigyan ng buong pagkakataon ang mga Kumalarangnon na makiisa sa okasyon.
Sa Luzon naman, nilagdaan ni Pangulong Marcos ang Proclamation No. 986 na nagtatakda ng August 19 bilang special non-working day sa bayan ng Angono, Rizal bilang paggunita sa kanilang anibersaryo ng pagkakahiwalay bilang munisipalidad mula sa Binangonan. Nilagdaan ito noong Agosto 4.
Huling nilagdaan ang Proclamation No. 987 na nagdedeklara ng August 20 bilang special non-working day sa Lungsod ng Lucena para sa pagdiriwang ng ika-64 na anibersaryo ng kanilang Charter o “Araw ng Lucena.” Nilagdaan din ito noong Agosto 4.
Ang mga special non-working days na ito ay naglalayong bigyang-daan ang mga lokal na komunidad na ganap na makilahok sa kani-kanilang pagdiriwang.
