Welcome sa Department of Justice (DOJ) ang planong legislative inquiry ng House of Representatives ukol sa mga umano’y pang-aabuso sa loob ng Bureau of Corrections (BuCor), ayon kay DOJ Assistant Secretary Jose Dominic F. Clavano IV nitong Linggo, Agosto 10.
Ani Clavano, palagi silang sumusuporta sa anumang hakbang para mapabuti ang serbisyo ng DOJ at mga attached agencies nito.
Kasunod ito ng resolusyon ng Makabayan bloc na nagsusulong ng imbestigasyon sa mga alegasyon laban sa BuCor, kabilang na ang pagbabawal kay Fides Lim, tagapagsalita ng grupong Kapatid, na makapasyal sa mga preso.
Noong Hulyo, sinabi ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. na bukas sila sa anumang legislative inquiry, at iginiit niyang transparent ang kanilang ahensiya at pinahahalagahan ang pananagutan.
Giit ni Catapang, makikipagtulungan sila sa imbestigasyon.
Giit naman ni Lim, may mga “irrational, arbitrary, at oppressive” na patakaran ang BuCor, lalo na sa mga bumibisita sa mga political prisoners na kilala namang hindi sangkot sa ilegal na droga.
Aniya, nakakapagod at komplikado ang sistema ng seguridad ng BuCor, na para na ring isang palabas kung saan kailangan tumalbog sa maraming patakaran.
Taliwas dito, sinabi ni Catapang na si Lim ay may “habitual misconduct” na nagdudulot ng panganib sa kaayusan ng pasilidad.
Paliwanag niya, ang ipinagbabawal ay ang indibidwal na hindi sumusunod sa mga patakaran, hindi ang organisasyon o ang pagbibigay ng donasyon sa mga preso.
Dagdag pa niya, kapag paulit-ulit na nilalabag ang mga panuntunan at hinahamon ang awtoridad, nagdudulot ito ng kaguluhan at posibleng banta sa seguridad ng mga tauhan, preso, at mga bisita.
