Humingi ng agarang aksyon ang kampo ni Police Staff Master Sergeant Joey Encarnacion kay PNP Chief General Nicolas Torre III para ipatupad ang kautusan na isumite ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga affidavit ng sampung complainants laban sa whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, kaugnay sa kontrobersyal na kaso ng nawawalang mga sabungero.
Ayon kay Atty. Bernard Vitriolo, legal counsel ni Encarnacion, noong Agosto 3, 2025 ay nagsumite siya ng liham kay CIDG Chief Police Brigadier General Christopher Abrahano para humingi ng mga kopya ng affidavit mula sa mga taong malapit kay Patidongan. Ngunit napag-alaman nilang hindi ito naisama sa case folder na ipinasubmit sa Department of Justice (DOJ) para sa pagsusuri.
“Nasa kamay ng CIDG ang mga affidavit na ito, pero bakit hindi pa rin ito naipapasa sa DOJ? Dapat maging patas at kumpleto ang imbestigasyon,” giit ni Vitriolo.
Dahil dito, umapela ang kampo ni Encarnacion kay PNP Chief General Torre na bigyang direktiba ang CIDG na isumite na ang mga affidavit upang matiyak na walang ebidensyang maiiwan at hindi mapapabayaan ang panig ng mga akusado.
Nilinaw ni Vitriolo na ayon sa Department Circular No. 20, ang mga ebidensya gaya ng affidavit ay kailangang suriin muna ng DOJ upang matukoy kung mayroong prima facie evidence para isampa ang kaso. Ngunit sa kabila nito, aminado siyang tila may bias ang DOJ at National Police Commission (NAPOLCOM) sa kanilang paunang pagsisiyasat kahit wala pang pormal na kaso na naisampa.
“Wala pa pong kasong pormal, pero parang may hatol na ang DOJ at NAPOLCOM,” sabi niya.
Noong Lunes, ipinatupad ng NAPOLCOM ang 90-araw na preventive suspension sa 12 pulis na kasama si Encarnacion. Kabilang sa mga sinuspinde ang iba pang mataas na opisyal tulad nina PLtCol. Ryan Jay Eliab Orapa, PMaj. Mark Philip Simborio Almedilla, at PCol. Jacinto Rodriguez Malinao Jr.
Ang kaso ng nawawalang sabungero ay umusbong noong Hulyo 14 nang magsampa si Patidongan kasama ang pamilya ng mga nawawalang sabungero ng reklamo laban sa mga pulis na diumano’y may kaugnayan sa pagkawala.
Sa kabila ng mga paratang laban kay Patidongan, iginiit ng kampo ni Encarnacion na may mga affidavit na nagsasabi na ang magkapatid na Patidongan mismo ang may kinalaman sa insidente, ngunit tila hindi ito nabibigyang pansin sa kasalukuyang imbestigasyon.
Dahil dito, nanawagan si Vitriolo kay PNP Chief General Torre na magpatupad ng patas na imbestigasyon at siguraduhing lahat ng ebidensya, kabilang ang mga affidavit laban kay Patidongan, ay maisasama sa pagsusuri ng DOJ.
“Kung tunay ang hangaring makamit ang hustisya, lahat ng ebidensya ay dapat timbangin nang patas — walang pinapaboran, walang pinapabayaan,” dagdag pa niya. (ARNOLD PAJARON JR)
