Nilinaw ng Land Transportation Office (LTO) na wala pang kautusan mula sa Department of Transportation (DOTr) o LTO Central Office tungkol sa pagpapataw ng parusa sa mga may-ari ng motor vehicle na hindi kukunin ang kanilang mga license plate at patuloy na gagamit ng improvised plates.
Ayon sa LTO, ang lahat ng kanilang tauhan ay naka-focus sa pagtugon sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na ipamahagi ang lahat ng mga plaka sa loob ng tatlong buwan matapos nila maubos ang backlog noong Hunyo 30.
Pinayuhan nila ang mga motorista na kunin na agad ang kanilang orihinal o kapalit na plaka sa pamamagitan ng kanilang online platform na LTOTracker, na may kasamang courier service, o kaya ay personal na kunin ito sa mga tanggapan ng LTO sa buong bansa.
Hinihikayat din ng LTO ang mga Rehiyonal at Distrito na Opisina nito na palakasin ang impormasyon ukol sa mga programa at inisyatibo para sa pamamahagi ng mga plaka upang maabot ang mas maraming motorista, lalo na ang mga rider ng motorsiklo.
Pinuri rin ng LTO ang mga tanggapan sa rehiyon na mahusay ang implementasyon ng mga hakbang upang mapabilis ang distribusyon ng mga plaka habang patuloy nilang binabantayan ang progreso sa buong bansa.
