Pinagtibay ng Manila Electric Company (Meralco), Energy Regulatory Commission (ERC), at Pamahalaang Lungsod ng Quezon City ang kanilang panibagong kolaborasyon para sa mas malawak na paggamit ng renewable energy (RE) sa Metro Manila, kasabay ng patuloy na pagsuporta sa layunin ng pambansang pamahalaan na palakihin ang bahagi ng RE sa power supply mix ng bansa.
Sa ilalim ng tripartite agreement na nilagdaan ng tatlong institusyon ngayong araw, layunin nitong paigtingin ang mga public-private partnership models upang maabot ang target ng bansa na 35% renewable energy share pagsapit ng 2030, at 50% pagsapit ng 2040.
Ayon kay Quezon City Mayor Josefina “Joy” G. Belmonte, ang inisyatibo ay bahagi ng mas malawak na agenda ng lungsod para sa sustainability bilang kasapi ng C40 Cities, isang pandaigdigang network ng mga lungsod na aktibong lumalaban sa epekto ng climate change.
“Isa sa pangunahing prayoridad ng Quezon City ay ang gawing mas malinis, mas maaasahan, at mas accessible ang enerhiya—hindi lang para sa lokal na pamahalaan kundi para rin sa mga kabahayan at negosyo. Sa kasunduan na ito, naglalagay tayo ng mga sistemang makatutulong sa mas mabilis at malawakang paglipat sa clean energy,” pahayag ni Mayor Belmonte.
Kabilang sa mga layunin ng kasunduan ang pagpapabilis ng aplikasyon para sa net-metering at distributed energy resources (DER), gayundin ang pagpapalaganap ng kaalaman sa mga benepisyo at proseso ng renewable energy solutions sa publiko.
Ang net-metering program ay nagbibigay-daan sa mga customer na may solar panel at iba pang RE system na ibenta ang sobra nilang kuryente sa grid kapalit ng credit na maaaring ipambawas sa kanilang electric bill.
Sa kasalukuyan, halos 2,500 net-metering customers na ang nasa Quezon City — ang pinakamataas na bilang sa buong franchise area ng Meralco.
Bilang bahagi ng kasunduan, magtatayo ang Meralco ng booth sa Quezon City Hall Compound upang tumanggap ng konsultasyon at aplikasyon para sa net-metering, DER, at iba pang serbisyo.
Ang Quezon City LGU naman ang mangangasiwa sa mga logistical requirements, habang ang ERC ang magbibigay ng regulatory guidance at teknikal na suporta upang matiyak ang maayos na implementasyon.
“Ang net-metering program ay malinaw na halimbawa kung paanong mabibigyang kapangyarihan ang mga karaniwang Pilipino na maging aktibong bahagi sa paghubog ng hinaharap ng ating enerhiya,” pahayag ni outgoing ERC Chairperson Monalisa C. Dimalanta.
Magtatalaga rin ang Meralco ng mga eksperto na magsisilbing resource persons sa mga information and education campaigns ng lungsod kaugnay ng clean energy transition.
Ayon kay Meralco Senior Vice President and Chief Revenue Officer Ferdinand O. Geluz, sumasalamin ang kasunduang ito sa “isang kolektibong pananaw at responsibilidad tungo sa renewable energy at pagbibigay kapangyarihan sa mga konsumer.”
“Patuloy ang aming suporta sa mga inisyatibo ng pamahalaan para sa clean energy at energy transition. Buo ang aming paninindigan na gawing makabuluhan at positibo ang epekto ng enerhiya hindi lamang sa mga konsumer kundi sa buong bansa,” dagdag ni Geluz.
Kasunod ito ng katulad na kasunduan na nilagdaan ng Meralco, ERC, at Pamahalaang Lungsod ng Pasig — patunay ng patuloy na adbokasiya ng Meralco para sa malinis, ligtas, at sustenableng enerhiya sa bawat LGU na saklaw ng kanilang serbisyo.
