Inanunsyo ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina nitong Lunes, Agosto 4, ang pagbuo ng isang bagong task force na tututok sa mahigpit na pagpapatupad ng mga ordinansa ng lungsod at sa pagbabawal ng illegal parking sa mga pangunahing kalsada.
Sa kanyang talumpati sa isinagawang flag raising ceremony, ipinakilala ni Mayor Maan Teodoro ang “Marikina Action Team”, na bahagi ng pinaigting na disciplinary program ng lungsod.
“Maaaring pairalin ang disiplina nang hindi kailangang gumamit ng kamay na bakal. Sa unang paglabag, babalaan muna ang violator,” ani Teodoro.
Ang task force ay tututok sa pagpapatupad ng mga ordinansa tulad ng Bawal ang jaywalking, No smoking sa pampublikong lugar at bawal ang maingay na videoke mula 10:00 PM pataas.
Kabilang rin sa mga ipatutupad ng task force ay ang mahigpit na pagbabawal ng street parking sa mga pangunahing lansangan sa Marikina, kasunod ng mga natanggap na ulat na sanhi ito ng matinding trapiko.
Ang mga kalsadang babantayan ay kinabibilangan ng Bonifacio Avenue, Sumulong Highway, Shoe Avenue, Gil Fernando Avenue, J.P. Rizal, Bayan-Bayanan Avenue, P.G. Molina, Katipunan Street at General Ordoñez Street.
Ayon kay Mayor Teodoro, aalisin ng Marikina LGU ang anumang sagabal o obstruction sa mga nabanggit na lugar upang mapaluwag ang daloy ng trapiko sa lungsod.
Ipinahayag din ng alkalde ang mahigpit na pagpapatupad ng curfew para sa mga menor de edad mula 9:00 PM hanggang 4:00 AM.
“Maliban na lamang kung may school activity, emergency, o kasama nila ang kanilang magulang, dapat nasa loob na ng bahay ang mga kabataan sa oras na ‘yan,” paliwanag ni Teodoro.
Sa pamamagitan ng bagong task force na ito, layunin ng Marikina City na panatilihin ang disiplina, kaayusan, at kaligtasan ng mga residente, habang pinapairal ang makataong pagdidisiplina sa mga lumalabag.
