Lumiwanag ang kinabukasan ng showbiz sa ginanap na “Shining Now” contract signing at mediacon event ng Star Magic noong Hulyo 25, kung saan ipinakilala ang mga bagong mukha ng industriya — mga artistang handang sumabak, sumikat, at magmarka bilang “Tatak Star Magic.”
Bukod sa mga promising showbiz royalties at rising performers, kabilang din sa pormal na pumirma ng kontrata sina fitness coaches Toni at Jim Saret, bilang simbolo ng pangako ng Star Magic sa kabuuang paghubog sa talento—pisikal, emosyonal, at propesyonal.
Si Carmella Ford, anak ni Karla Estrada, ang unang ipinakilala. Kampeon sa Star Magic All-Star Games (Mythical Six), si Carmella ay nangangarap na maging action star.
“I want to create my own path,” ani Carmella.
Sunod naman si Iñigo Jose, anak ng aktor na si James Blanco. Ayon sa kanya, gusto niyang maging isang rom-com lead at action star, at handa siyang harapin ang mga pagsubok ng industriya “with grace.”
Michelle Garcia, 12, bunsong miyembro ng batch ngunit may malaking talento. Anak nina Patrick at Nikka Garcia, ipinamalas niya ang kanyang husay bilang front act sa Grand BINIverse concert.
“Wala sa kanila nanggaling ang dream ko, sa akin talaga. Gusto kong sumayaw at mag-perform,” sabi ni Michelle.
Mula sa stage patungong mainstream showbiz, naroon rin si Ice Almeria, grand champion ng Time to Dance.
“Hindi ako bumitaw sa munting pangarap. Ito na ‘yun. Prayers answered,” aniya.
Tatlo ring powerhouse sisters ang ipinakilala—Ezri, Julia, at Tasha Mitra, mga anak nina Raul at Cacai Mitra, at pamangkin ng Asia’s Songbird Regine Velasquez.
“Hindi kami takot magtapatang magkakapatid. Pero at the end of the day, buo pa rin kami, kasi good intentions kami lagi,” ani Ezri.
Nagpahayag din ng excitement si Joaquin Arce, anak ng producer na si Neil Arce, na ngayon ay handang pasukin ang mundo ng pag-arte.
“I just have to keep up with the best and do my very best,” sabi ng Korean drama fan.
Nagpakitang-gilas din si Christof, anak ni Gladys Reyes. Isang recording artist under Star Music, handa na siyang ibahagi ang kanyang musika sa mas malawak na audience.
“Gusto rin naming makakita ng authenticity mula sa audience. It goes both ways,” dagdag niya.
At syempre, binigyang atensyon rin ang pagpasok ni Angelina Cruz, isa sa pinakamainit na bagong pangalan sa lineup. Bukod sa kanyang musical background, bahagi na siya ng inaabangang Kapamilya serye na The Alibi kasama sina Kim Chiu at Paulo Avelino.
“Ultimate dream ko ay maging bida sa teleserye o pelikula—malapit na ‘yan!”
Sa kabila ng pagiging baguhan, ipinamalas ng bawat isa ang dedikasyon, determinasyon, at spark na magpapaangat sa kanila bilang susunod na superstars ng Philippine entertainment industry.
Sa pagtatapos ng event, iisa lang ang mensahe: Hindi sapat ang galing—dapat may puso, disiplina, at tunay na intensyon.
At kung ganito kagagaling ang bagong batch ng Star Magic, handa na ang showbiz para sa isang mas makinang na kinabukasan.
