Nahaharap ngayon sa kasong multiple murder at serious illegal detention ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, matapos magsampa ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) ang mga kaanak ng mga nawawalang sabungero.
Kabilang din sa sinampahan ng kaso ang ilang miyembro ng umano’y “Alpha Group” at ilang tauhan ng Philippine National Police (PNP) na sinasabing sangkot sa pagkawala ng mga sabungero noong 2021.
“Masaya kami. Apat na taon naming hinintay ito,” pahayag ni Ryan Bautista, kapatid ni Michael Bautista, isa sa mga nawawala.
Isa pang kaanak, si Charlene Lasco, kapatid ni Ricardo Lasco, ay umaasang bubuo ng sapat na ebidensya ang DOJ upang agad nang maipalabas ang mga warrant of arrest.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, pangunahing basehan ng reklamo ang sinumpaang salaysay ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, na umano’y bahagi mismo ng sindikato.
“Napaka-bihira ang ganitong klaseng testigo. Embedded siya sa mismong kriminal na organisasyon. Ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng Pilipinas,” ani Remulla.
Idinagdag pa ng kalihim na ang testimonya ni Dondon ay “highly reliable”, at tumutukoy kung sino, kailan at saan isinagawa ang mga krimen.
May isa pang testigo — si Elakim Patidongan, na umano’y saksi mismo sa pagpatay sa 10 sabungero. Siya rin ang sinasabing nag-withdraw ng pera mula sa account ng isa sa mga biktima, si Melbert Santos.
“Foolproof ang kanyang pahayag,” ani Remulla.
Sinabi ni Remulla na ang reklamo ay bahagi lamang ng malawakang imbestigasyon na isinasagawa, kabilang ang mga aktibidad ng Philippine Coast Guard sa Taal Lake upang hanapin ang mga bangkay ng mga biktima.
“Ito’y mahaba-habang proseso. Kailangang pagtiyagaan,” ani Remulla.
Nilinaw rin ng kalihim na hindi hinuhusgahan si Atong Ang o sinuman sa mga idinadawit hangga’t walang masusing paglilitis. “We will be fair. Due process is essential,” dagdag niya.
Sa gitna ng pagsasampa ng kaso, kumalat naman online ang diumano’y listahan ng mga miyembro ng “Alpha Group,” batay umano sa affidavit ni Dondon Patidongan. Kasama umano sa listahan ang ilang pulis, mambabatas, at lokal na opisyal.
“Tinatantiya pa kung tatlo o apat sa kanila ang talagang sangkot sa planong pagpatay,” ayon kay Remulla.
Samantala, itinanggi ni Atong Ang ang mga paratang at nagsampa rin ng kontra-reklamo laban kina Dondon Patidongan at Alan Bantiles para sa grave threats, slander, attempted robbery, at conspiracy.
Mula pa noong 2021, mahigit isang dosenang sabungero ang naiulat na nawawala, karamihan ay huling nakitang nasa mga sabungan sa Laguna, Batangas at Metro Manila.
Ilang CCTV footage ang lumitaw ngunit nanatiling palaisipan ang tunay na sinapit ng mga biktima. Sa pag-usad ng kasong ito, umaasa ang mga pamilya ng biktima na makakamit na rin sa wakas ang hustisya matapos ang apat na taong pananahimik at pangungulila.
