Opisyal na ngang wala na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang lalawigan ng Sulu.
Matapos ang desisyon ng Korte Suprema noong nakaraang taon, nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Executive Order No. 91 nitong Hulyo 30 na nagsusulong sa paglipat ng Sulu sa Zamboanga Peninsula.
Ayon sa EO, may “agarang pangangailangan” para maipatupad ang desisyon ng Korte at masigurong tuloy-tuloy ang serbisyo publiko ng mga national government agencies (NGA) sa Sulu. Isang Technical Working Group (TWG) din ang binuo para tutukan ang budget realignment, pag-aadjust ng personnel, at paglilipat ng mga programa.
Ang hakbang na ito ay pagsunod din sa desisyon ng mga taga-Sulu noong 2019 plebisito, kung saan tumutol sila sa pagpasa ng Bangsamoro Organic Law (BOL)—na siyang lumikha sa BARMM kapalit ng dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Bagamat naging bahagi pa rin ng BARMM si Sulu simula noong 2019, dahil nakasaad sa BOL na kolektibo ang pagboto ng mga dating ARMM provinces, umapela ang noo’y gobernador ng Sulu na si Abdusakur Tan II sa Korte Suprema para igiit ang kanilang karapatang umalis sa BARMM—isang apelang ngayo’y tagumpay na.
Samantala, nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na hindi na kasali sa nalalapit na BARMM parliamentary elections sa Oktubre ang pitong upuang nakalaan sana sa Sulu. Sa kabuuan, 73 na lang sa 80 seats ang bobotohan, habang nananatiling bakante ang pito para sa Sulu hanggang may batas mula sa Kongreso na magre-reallocate nito.
Sa kabila ng opisyal na paghihiwalay, nananatiling bukas ang BARMM sa posibilidad ng pagbabalik ng Sulu sa rehiyon.
“Hindi magsasara ang aming pinto,” ani Chief Minister Abdulraof Macacua. “Bagamat masakit para sa marami sa aming kapwa Bangsamoro, ito ay bahagi ng prosesong demokratiko.”
Tiniyak din ni Macacua na hindi maaapektuhan ang serbisyong pampubliko gaya ng edukasyon, kalusugan, at social services sa Sulu kahit ito’y hindi na sakop ng BARMM.
“Patuloy naming ipaglalaban ang kapakanan ng bawat mamamayan at ang adhikain ng mapayapa at makabuluhang self-governance,” dagdag pa niya.
