Kinumpirma ni AGAP Party-list Representative Nicanor Briones na siya ang mambabatas na nakuhanan ng litrato habang nanonood ng tila sabong video sa gitna ng sesyon sa plenaryo ng House of Representatives, ngunit iginiit niyang hindi ito online sabong, at walang naganap na pagsusugal.
Ayon kay Briones, isang kamag-anak ang nagpadala sa kanya ng link na naglalaman ng tradisyonal na sabong video.
“Nagkataon lang na nag-message ‘yung aking pamangkin at may nag-iimbita na sumali ako sa kanilang tradisyunal na pa-sabong. Gusto lamang nilang ipakita ang manok na kanilang isasali. Hindi ito e-sabong, kaya ang tawag ko nga ay fake news,” paliwanag ng kongresista sa panayam ng mga mamamahayag sa Kamara.
Ang insidente ay nag-ugat sa isang viral photo na kuha noong Lunes, unang araw ng regular session ng Kongreso, kung saan makikitang tila nanonood ng sabong si Briones habang nakaupo sa loob ng plenaryo.
Sa gitna ng panawagan ng ilang kasamahan sa Kamara na lumantad ang mambabatas na nasa larawan at humingi ng paumanhin, sinabi ni Briones na hindi siya ang dapat humingi ng dispensa kundi ang photographer na kumuha ng larawan.
“Ang dapat mag-sorry ay ‘yung kumuha ng litrato. Nilagyan agad ng caption na nanonood ako ng online sabong, na hindi naman totoo. Hindi niya ako kinausap, at sana ay tinanong niya muna ako bago maglabas ng konklusyon,” ani Briones.
Gayunpaman, sinabi ng mambabatas na pinapatawad na niya ang photographer at wala siyang balak magsampa ng kaso, ngunit hinimok niya itong humingi ng paumanhin sa Kamara.
“Pinatatawad ko na siya. Pero nararapat lamang na humingi siya ng dispensa sa institusyong ito. Nakakahiya,” dagdag pa ni Briones.
Ang insidente ay muling nagpapaalala sa kahalagahan ng propesyonalismo sa loob ng Kongreso, pati na rin ang pangangalaga sa imahe ng institusyon sa mata ng publiko.
Bagamat iginiit ni Rep. Briones na walang masamang intensyon ang panonood ng naturang video, hindi naiwasang ipahayag ng publiko ang kanilang pagkadismaya dahil isinagawa ito habang may sesyon sa plenaryo, isang opisyal na gawain ng mga mambabatas.
